Hatinggabi, sa tahanan ni Defense Minister Enrile sa Dasmariñas Village, Makati. Kapulong ni Enrile ang kanyang press secretary at ang tatlong sundalo na nagpasimuno ng RAM. Tuloy pa rin ang planong kudeta kinabukasan, ika-23. Papasukin ng RAM ang Palasyo, katulong ang mga repormista sa Presidential Security Command (PSC), at bibihagin ang mag-asawang Marcos. Samantala, sunud-sunod na magpapasabog ang isa pang puwersa malapit sa imbakan ng armas ng Malakanyang; ito ang magsisilbing hudyat para sugurin ng tatlo pang batalyon ng rebeldeng sundalo ang palasyo. Sa una't pinakamatinding pagsabog, inaasahang dala na ang bahay at buhay ni General Fabian Ver, AFP Chief of Staff at hepe ng PSC, na sa Malakanyang Park nakatira. Si Enrile ang punong pulitiko ng sabwatan pero si Lieutenant Colonel Gregorio "Gringo" Honasan, hepe ng kanyang security force, at sina Lieutenant Colonels Eduardo Kapunan at Vic Batac, mga dating kaklase ni Honasan sa Philippine Military Academy (PMA), ang mga utak ng kudeta. (Ang tsismis ay higit pa sa mag-ama ang turingan nina Enrile at Honasan.) Tinatapos ng grupo ang pagsulat ng talumpati ni Enrile sa radyo at telebisyon kinabukasan, tanghaling tapat, kapag nalusob na ang Malakanyang at nadakip o napatay na si Marcos. Ipoproklama niya ang sarili bilang pinuno ng "National Reconciliation Council," isang ruling junta. Kabilang sa listahan ng mga taong aanyayahan niyang maupo sa junta sina Corazon Aquino, Lieutenant General Fidel Ramos, Jaime Cardinal Sin, at iba pang kilalang technocrats ni Marcos tulad ni Prime Minister Cesar Virata.


Walang kamalay-malay ang mga repormista na sa mga oras na iyon, tagilid na ang lagay ng kanilang sabwatan. Habang si Enrile ay nagpapraktis magtalumpati, si Ver naman ay abalá sa pagpapatibay ng depensa ng Malakanyang. Alam ni Ver ang tungkol sa napipintong paglusob ng RAM. Matagal nang ibinubulong ng isang espiya ni Honasan sa PSC ang tungkol sa planong kudeta kayâ pinaghahandaan niya ito. Alas-dos ng umaga, pinaluwas niya sa Maynila ang 5th Marine Battalion Landing Team mula sa Zamboanga, gayon din ang walong (8) officers at walumpu at dalawang (82) kawal ng 5th Infantry Battalion mula sa Piddig, Ilocos Norte. Dinagdagan din niya ng isang Philippine Air Force Crowd Dispersal & Control Battalion ang mga anti-riot unit. Hinatì sa apat na sektor ang depensa ng Malakanyang; bawat isa ay may sariling batalyon ng ground troops. Hawak ni Colonel Irwin Ver ng PSC ang Palasyo at ni Lieutentant Colonel Rexor Ver ng Presidential Security Unit (PSU) ang close-in security ng pamilyang Marcos. Hawak naman ni Major Wyrlo Ver ang PSC Recon Company, armored unit na may walong light Scorpion tanks, sampung M-113 Armored Personnel Carriers (APC), at labing-isang V-150s. Ang ilog Pasig buhat sa Manila Bay hanggang Guadalupe ay bantay ng isang Philippine Navy unit na may anim na patrol craft, dalawang frigate, isang demolition team, at mga ferry boat. Halos isang batalyon ang puwersa ng First Coast Guard District ng Navy Palace Command sa pag-uutos ni Captain Carmelo Santos. Lahat ng daan patungong palasyo at ang choke points sa Ayala-Lozano, Sta.Mesa-JP Laurel, at Mendiola, gayon din ang Otis at Nagtahan Bridge, ay bantay ng Metrocom Western Sector sa pag-uutos ni Lieutenant Colonel Agapito Heredia; inaasahan din ang pangkat na ito sa depensang panloob ng palasyo. Lahat-lahat 3,629 ang bilang ng tropa ni Ver, mga opisyal at mga sundalo na ganap na armado.

Mistulang bitag ng kamatayan ang palasyo. May tanim na mga bomba (500 pounds) at mina (Claymore anti-personnel) ang tabing-ilog. Ang utos daw ni Marcos, hayaan ni Ver na makalapit sa Palasyo ang mga gomang bangka na sasakyan nina Honasan. Sa sandaling makatawid sina Honasan, biglang iilawan ng spotlights ang ilog, eeksena si Ferdinand "Bongbong" Jr. na may hawak na megaphone, bibigyan ng isang pagkakataong sumuko ang mga rebelde, at kung hindi, ihuhudyat niya ang simula ng counter-attack.


Subalit di natuloy ang pag-eksena ni Bongbong sapagkat hindi nakarating sina Honasan sa Malakanyang. Madilim pa ang Sabado ay may sumabit nang mga miyembro ng RAM. Bandang 2:00 ng umaga sa headquarters ng Army sa Fort Bonifacio, may nadakip ang Marines na isang pangkat ng repormista na gayak pang-combat at aali-aligid sa isang restricted area, tila pagtatangkaan sana ang buhay ni Brigadier General Artemio Tadiar, kumander ng Marines na pinakakilabot sa mga puwersa ni Ver. Pero tangging-tanggi ang mga bihag; security force daw sila ni Trade & Industry Minister Roberto Ongpin na kahahatid nila sa bahay niya sa Alabang. Iginiit ng hepe ng security force, si Lt. Alamos Alabe na PMA graduate, na hindi siya miyembro ng military kundi ng Linsi Security Agency. Nang pakawalan, agad itong sumugod sa bahay ni Ongpin at nagsumbong.

Hindi malinaw kung anong oras nakarating kay Ongpin ang balita at kung anong oras ng umaga niya tinawagan si Marcos at si Enrile. Walang senyal na nakarating agad ang balita kay Enrile o sa RAM. Mga 3:00 daw ng umaga natapos ang miting kina Enrile. At saka lang sinubukan ng mga repormista ang mga baril na Uzi, yari sa Israel, na kapapamigay ni Colonel Tirso Gador ng Cagayan 100. Samantala, nauna na sina Honasan at Kapunan upang manmanan at alamin ang sitwasyon sa paligid ng Malakanyang. Laking gulat daw ng dalawa nang makitang may isang batalyon ng Marines na nakatanod kung saan mismo sila sasalakay kinabukasan. Namimitak pa lang ang araw sa silangan ay malinaw na sa dalawang pinuno ng RAM na hindi nila masosorpresa si Ver. Walang ulat kung anong ginawa nina Honasan at Kapunan pagkatapos. Ang pahiwatig ay wala silang ginawa, wala silang kinausap, maaaring natulog muna at paggising ay patuloy na nakiramdam.

Tulad ng dati, 6:30 ng umaga pa lang ay nasa opisina na niya sa Camp Crame si General Fidel Ramos, AFP Vice Chief of Staff at hepe ng Philippine Constabulary (PC) at Integrated National Police (INP). Ayon kay Major Avelino "Sonny" Razon, miyembro ng RAM at hepe ng security force ni Ramos, alam nilang nadakip ang security force ni Ongpin pero hindi pa malinaw kung bakit. "Basta ang alam ko," ani Razon, "tuloy pa rin ang plano."

Ani General Jose Almonte, "Dalawang opisina ang nagsabwatang mag-alsa: ang Ministry of National Defense (MND) at ang opisina ni General Ramos na AFP Vice Chief of Staff at hepe ng PC at INP. Kabilang sa core group ng RAM ang pinakamalalapít na aides ni Ramos tulad ni Sonny Razon; alam ni Ramos lahat ng nangyayari."

Hindi malinaw kung anong oras ng umaga tumawag si Ongpin sa Palasyo at nagsumbong kay Marcos. Nangako raw si Marcos na paiimbestigahan niya ang kaso at nag-alok ng pansamantalang security galing sa PSC na tinanggihan ni Ongpin. Gitnang-umaga raw nang tawagan ni Ongpin si Enrile na noo'y nasa isang coffeeshop sa Makati, nakikipagchikahan kay Deputy Minister Jose Roño. Saka lang daw nalaman ni Enrile ang tungkol sa pagkakadakip sa security ni Ongpin. Apektado siya dahil tatlo sa nasabing security force ay mga tauhan niyang pahiram para i-train ang security ni Ongpin. Mas nakakaligalig, ilan sa mga nadakip ay kasabwat sa planong kudeta ng RAM.

Gitnang-umaga rin daw, kadarating ni Honasan sa Ministry of National Defense (MND) sa Camp Aguinaldo nang datnan siya ng di-inaasahang bisita, si Colonel Rolando Abadilla, intelligence chief ng Metropolitan Police Command (Metrocom) na miyembro din ng RAM. Pinapasabi raw ni Ver na huwag magpadalos-dalos si Honasan. "Pinaalalalahan ako ni Ver na magkaibigan sila ng ama ko, gayon din kami ni Irwin," ani Honasan. "Pinasabi ko kay Ver na magre-report ako sa kanya kung gusto niya 'pagkat siya pa rin ang hepe." Mayabang ang tugon, pero nayanig si Honasan. Tila nga bistado na ni Ver ang balak nilang pagsalakay sa Palasyo. Nang makaalis si Abadilla, nagpasiya sina Honasan at Kapunan na hindi muna kikilos ang RAM nang beinte-kuwatro oras. "Hindi namin ibinasura ang plano," ani Kapunan; "inilagay lang namin sa freezer."

Nirerepaso ni Honasan ang mga ulat tungkol sa mga galaw ng mga tropa at armored vehicles sa kalakhang Maynila nang may nakita siyang dalawang report, pumasok ng 7:00 ng umaga, na kumukumpirmang pinaghahandaan sila ni Ver. "14th Infantry Battalion galing Nueva Ecija, nasa North Harbor, 0300H". . . ."5th Marine Battalion Landing Team galing sa Fort Bonifacio, nasa Otis entrance ng Malacañang Park, 0400 H."

Tila saka lang ipinaalam nina Honasan at Kapunan sa mga kasamahan nila sa RAM ang kanilang natuklasan. Bandang tanghali ay nagkakagulo raw ang mga repormista sa Camp Aguinaldo, pinagtatalunan kung ano ang dapat nilang gawin. Naatasan si Navy Captain Rex Robles na makipag-ugnay sa diplomatic community at ikuwento sa mundo ang istorya kung sakaling maaresto ang mga rebelde. May humingi na rin ng tulong sa US embassy pero wala pang sagot na natatanggap. Si Enrile naman ay hindi raw ma-contact ni Honasan sa telepono kaya minabuti nila ni Kapunan na puntahan ang boss nila sa bahay.
Ang totoo, pahapyaw ang mga kuwento ng RAM. Halatang may inililihim. Ayaw sigurong maungkat ang kakulangan nila ng retreat plan. Hindi nasabihan, halimbawa, ang mga kasabwat nila sa loob ng Palasyo na "freeze" muna ang operation nang beinte-kuwatro oras. Habang patungo sina Honasan sa bahay ni Enrile sa Makati, nahuling kumukupit ng armas sa armory ng Presidential Security Unit si Captain Ricardo Morales, kasapi ng RAM na escort at security officer ni Imelda (siya sana ang gigiya sa mga rebelde paakyat sa kuwarto ng presidente). Dinala si Morales sa isang silid at in-interrogate ng mga tauhan ni Ver.

Si Marcos noon ay nasa kanyang study room, bisita sina Philip Habib at US Ambassador Stephen Bosworth. Tatlong araw pa dapat si Habib sa Maynila subalit bigla itong nagpapaalam na; kung magkakagulo daw habang nandito siya, masisisi tiyak si Reagan. Pinag-usapan ng tatlo ang kagaganap na eleksiyon at ang peace-and-order situation. Inungkat ng mga Kano ang isyu ng overstaying generals at iginiit na kailangang magbitiw ni Ver. Kinulit nilang mabuti si Marcos tungkol dito, nasabi tuloy ni Marcos pagkatapos na kung isinuko agad niya si Ver, siguro'y hindi siya pinahirapang masyado ng mga Kano. Nangako si Marcos kay Habib na magtitimpi siya at magpapaubaya sa harap ng napipintong mga protesta ng oposisyon, pero idiniin niya na oras na may masaktang public official o may tumawag ng welgang bayan, mapipilitan siyang gumamit ng puwersa.

Sa labas ng study room, hindi mapakalí si Ver habang hinihintay na umalis ang mga Kano. Kasasara ng isang pinto kina Bosworth at Habib ay humahangos na pumasok sa kabilang pinto si Ver. Inireport kay Marcos na may ini-interrogate silang apat na opisyal ng Palace Guard na kasama sa isang sabwatang lusubin ang Palasyo at patalsikin ang Presidente.

Walang ulat kung ano ang naging reaksyon ni Marcos. Ayon sa security aide ng Presidente na si Colonel Arturo Aruiza (na maaaring nakasalisi si Ver), pagkaalis ni Habib ay nagtungo ang Presidente sa kuwarto niya at nagpahinga. "Ugali na niya ito; magpapahinga pagkaalis ng bawat bisita, o sa pagitan ng mga dalaw; may sakit kasi."

Abala sa paglilinis ng mga bulwagan ang domestic staff. Sina-shampoo at vina-vacuum ang mga carpet, fino-floorwax at pinapakintab ang sahig na kahoy, at pinapaspasan ang malalaking chandelier na yari sa Guagua, Pampanga. Ang marmol na sahig ay kinukuskos hanggang 'singkintab ng salamin. Ang mga bintanang capiz ay binuksan sa sariwang hangin at sinag ng araw. Ihinahanda ang Palasyo para sa inagurasyon ni Marcos sa darating na Martes.

Sa Makati, sa bahay ni Enrile, iba ang pinaghahandaan ng mga repormista. Nang ireport daw ni Honasan na tila may bantang pagdakip sa lahat ng miyembro ng RAM, tinimbang ni Enrile ang sitwasyon. "Puwede tayong kumalat, kanya-kanyang tago, hayaan silang hanapin tayo isa-isa. O maaari tayong magtipon at manindigan, magsapalaran. Kung maninindigan tayo, posibleng humantong ito sa sagupaan. Subalit hindi rin imposible na magkatablahan."

Sinikap daw kumbinsihin nina Honasan at Kapunan si Enrile na lumipad sa Cagayan at pag-isipan ang pinakamabuti niyang gawin kung sakaling arestuhin ang mga repormista. Ani Enrile, "Bakit sa Cagayan pa? Kung mamamatay din lang ako, bakit hindi dito?" Noon daw nagdesisyon si Enrile na ipatawag ang mga repormista at pagtipunin upang manindigan sa Camp Aguinaldo.

Muli, pahapyaw at kaduda-duda ang kuwentong ito ni Enrile at ng RAM. Mahirap maniwala na saka lamang ­ tanghali na ­ nag-usap sina Enrile at Honasan kung totoong may banta sa buhay nila. Mahirap ding maniwala na walang ibang nakialam sa desisyon nilang umeksena sa Camp Aguinaldo (sa halip na tumakbo at magtago). Kutob ko, may kinalaman ang business community ­ crony at di-crony ­ sa desisyon nina Enrile na umeksena. Namamayagpag noon ang boycott campaign ni Cory at nalulugi ng milyun-milyong piso araw-araw ang mga Marcos crony (isa na si Enrile). Kutob ko, naitulak si Enrile ng mga negosyante na kumilos, kahit paano, nang mailigpit na si Marcos, makapagkasundo na kay Cory, at matigil ang boykot sa lalong madaling panahon. At tila pinaunlukan sila ni Enrile. Bistado na rin lang ang kudeta, puwes, gumawa ng ibang eksena, at baka sakaling makaposisyon pa bilang kapalit ni Marcos.

Samantala, si General Ramos ay nagpapapogi na noon sa mga Coryista. "Mayroon akong dalawang importanteng miting. Tanghalian sa bahay ni Betty Go-Belmonte ng Inquirer, kasama ni Max Soliven. Sa hapon naman, may ka-dialogue akong mga kapitbahay na Cory supporters sa Alabang."
 

Umaga pa ay pini-picket na ng Cory's Crusaders ang bahay ng Heneral. Sigaw ng isang placard: "Ramos resign!"  

Utos ng isa pa: "Remember the Escalante Massacre!" (kasong pinaimbestigahan ni Enrile sa isang bi-partisan panel na pinawalang-sala si Ramos). Ayon kay Amelita "Ming" Ramos, sinabi niya sa mga Coryista na wala silang mahihita sa pagpi-picket. "Wala kayong makukuhang sagot. Bakit hindi na lang kayo makipag-dialogue sa asawa ko?"

Iisa ang tanong kay Ramos ng peryodistang si Max Soliven at ng mga Coryista. Bakit hindi pa nagbibitiw ang heneral? Mas matapang daw yata ang kapatid niyang si Leticia Shahani na Disyembre pa'y nagbitiw na sa Department of Foreign Affairs at ikinampanya pa si Cory noong snap elections. Ipinaliwanag ni Ramos kay Soliven kung bakit hindi pa siya nagre-resign gayong patong-patong ang kahihiyang inaabot niya kay Marcos at sa mga tampalasang elemento ng PC na sangkot sa mga kasong carnapping, patayan, at iba pang krimen. Hindi raw niya madisiplina ang mga ito sapagkat protektado ng mga nakatataas. Nagpahiwatig si Ramos ng pagkiling sa mga repormista. Nilulunok daw niya ang kanyang pride dahil kailangan niyang manatili sa puwesto alang-alang sa kapakanan ng reformist officers na malalagay sa panganib kung magbibitiw siya. Kinilig tiyak sina Soliven at Belmonte, na kapwa Coryista, sa pahayag ni Ramos na punong-puno na rin siya kay Marcos. Malaking bagay noon para sa oposisyon kung magbibitiw ang Heneral at makikibaka para kay Cory.

Nasa Cebu si Cory noong hapong iyon at nangangampanya. Mainit at masigla ang pagsalubong sa kanya ng libo-libong Cebuano na nakaabang sa kahabaan ng highway patungo sa siyudad. Nagkabuhol-buhol ang traffic dahil nabarahan ang ilang intersection ng makakapal at nagsasayang mga tao na nagsisigawan ng "Laban!" at "Cory! Cory! Cory!" Kulay dilaw ang mga bandila, streamer, at watawat. Sa mga tabing-daan, kung ano-anong dilaw ang naka-display: dahon ng saging, bulaklak, bedsheet, tuwalya, damit, pati briefs.

Walang kamalay-malay si Cory na nasa bingit na ng himagsikan ang Maynila. Kahit halos magmakaawa sa kanya ang mga repormista na huwag umalis at baka magkaroon ng kudeta, 'di nagpaawat si Cory. "Dati ko nang nadidinig ang ganyang balita, e hindi naman natutuloy, samantalang sa Cebu, sigurado akong inaasahan ako ng libo-libong tao para ilunsad doon ang aking civil disobedience campaign. Kung hindi ko sila siputin, maaaring mawalan sila ng gana na suportahan pa ako."

Tama si Cory, hindi na naman tuloy ang kudeta ng RAM. Pero mali din siya sapagkat may nagaganap sa Maynila. Alas-dos ng hapon ay nagmamadaling lumipad si Habib pauwi sa Amerika. Huling pasabi niya kay Bosworth: "Dapat alisto siya dahil tiyak na may mangyayari." Amenado si Habib na tapos na si Marcos, si Cory ang nanalo sa eleksyon, subalit alam din niyang may ikatlong puwersa na kikilos at manggugulo, at ayaw niyang masangkot ang Amerika.

Sa Makati, kasalukuyang nagpupulong ang mga lider ng ikatlong puwersa. Nagkasundo sina Enrile, Honasan, at Kapunan na importanteng ilihim nila ang planong kudeta at junta upang makuha nila ang simpatiya ng publiko. Kung mabubulgar ang kanilang sabwatan, tiyak na marami ang matatabangan sa kanilang pagkilos; mabibisto agad na ibig lang pumalit ni Enrile kay Marcos. Mas mabuti kung magda-drama silang biktima o api ­ underdog baga. Kailangang-kailangan pati nila ang suporta ni Ramos. Kahit mayroong mga sektor ng militar na handang itaguyod si Enrile, batid ng RAM na sa tingin ng mas maraming sektor, magkasing-dungis lang sina Enrile at Marcos. Ganito rin ang pananaw ng maraming sibilyang negosyante at ng anti-Marcos middle-class na bumoto kay Cory. 'Di hamak na mas malinis ang pangalan at reputasyon ni Ramos.

Bihis na raw si Enrile ­ naka-maong, sapatos na canvas, at Uzi submachine-gun ­nang tawagan niya si Ramos sa Alabang. "Eddie, mayroon akong problema. Gusto kong malaman kung tutulong ka." Iginuhit niya ang banta laban sa RAM. "Sasama ka ba sa amin?" Mabilis daw ang pag-oo ni Ramos. "Alam ko na iyan," sabi niya. "Magkita na lang tayo sa Aguinaldo."

Pasado 2:30 ng hapon, nagpaalam si Enrile sa asawa niyang si Cristina. "Baka ako arestuhin," sabi niya. Pinatawagan niya sa kabiyak ang kaibigan nilang si Eggie Apostol, publisher ng Inquirer, upang maiparating sa media at kay Cardinal Sin ang nangyayari. Isa si Enrile sa mga may-ari ng Inquirer, diyaryong anti-Marcos, bagay na ikinagalit sa kanya ng mga tauhan ni Marcos at ikinawala ng tiwala sa kanya ng Presidente.

"Nasa opisina kami ng Inquirer, ihinahanda namin ni Betty Go-Belmonte ang Sunday edition, nang tumawag si Gng. Enrile," kuwento ni Eggie Apostol. "Sabi niya, aarestuhin daw si Johnny, puwede ko ba raw silang tulungan, pakitawagan ko raw si Cardinal Sin. Pero hindi namin na-contact agad ang Cardinal dahil may ordination sa Ateneo. Ipinaubaya ko na lang ang pagtawag kina Betty at Llita Logarta para makatakbo ako at masamahan si Cristina. Dumaan muna ako sa desk ng editor namin, si Louie Beltran, at ikinuwento ko ang nangyayari. Alam lang namin na aarestuhin si Johnny, pero hindi namin alam kung bakit."

Si Enrile naman ay dumaan muna sa opisina ng kaibigan niyang Member of Parliament (MP) na si Rene Cayetano. Sumulat siya ng liham na bubuksan lamang kung sakaling mapatay siya. Pinatawagan din niya kay Cayetano ang press. "Joggers! Joggers!" kahol ni Honasan sa radio transceiver nang papalipad na sila sa Camp Aguinaldo. Ito ang hudyat sa kanyang mga tauhan at mga kasapi ng RAM, kabilang ang tatlong daang (300) sibilyan, na maghanda nang lumaban.

Hindi lamang ang MND na teritoryo ni Enrile ang nasa Camp Aguinaldo sa EDSA, Cubao, kundi ang General Headquarters (GHQ) building din na teritoryo ni Ver. Katabi ng MND at sa kaliwa ng GHQ ang Intelligence Service of the AFP (ISAFP). Katabi ng ISAFP ang Logistics Command (LOGCOM) na malapit sa maralitang residential area ng Libis. May Enlisted Men's Village rin kung saan nakatira ang maraming sundalo, kasama ang kanilang mga pamilya, pero ang pinakamalaking area ng kampo ay sakop ng golf course. Katapat ng Camp Aguinaldo sa kabila ng EDSA ang Camp Crame, headquarters ng PC at INP na teritoryo ni Ramos. Mas maliit ang Crame, ikatlo lang ng Aguinaldo ang area, pero kumpleto sa station hospital, athletic field at parade grounds, gymnasium, chapel, at housing area.

Alas-tres ng hapon, pagdating sa kanyang opisina sa MND, agad nagpatawag ng malaking press conference si Enrile; anyayahan daw pati ang mga dayuhang peryodista na nasa Maynila para sa inagurasyon ni Marcos. Pagkatapos, naglabas siya ng mga bagong-bagong M-16 Armalite na nakabalot pa sa plastic, mga mortar, at mga Uzi at Galil. Inatasan niya si Honasan na isaayos ang depensa, hindi lamang sa paligid ng Camp Aguinaldo, kundi sa paligid din ng Camp Crame. Dadalawang daan (200) ang tropa ni Enrile. Gayak sila pandigmaan, kumpleto sa canteen, knapsack, at K-rations. Halatang ninenerbiyos si Enrile. Alam niyang dehado siya. Maaaring sandali na lang ang buhay niya.

Ala-suwerte din sa telepono si Gng. Enrile, na hindi pa rin ma-contact si Cardinal Sin; 4:00 na ay wala pa rin ang Cardinal sa Villa San Miguel. "Paalis na si Cristina, may dalang overnight bag, noong dumating ako sa bahay nila," kuwento ni Eggie Apostol. "Naghiwa-hiwalay at nagtago ang pamilya; ang mga anak sa bahay ng kaibigan, ang mga apo sa bahay ng isang aide, si Cristina sa bahay ng pinsan niyang si Meding Porcuna sa Alabang."

Sa Malakanyang, halatang naliligalig si Marcos: pinauwi niya sa Palasyo ang kanyang mga anak, manugang, at apo. Sinundo ng militar sina Imee at Tommy Manotoc at ang kanilang mga anak sa Wack Wack, Mandaluyong, at sina Irene at Greggy Araneta at ang kanilang mga anak sa Forbes Park, Makati. Dumating si Bongbong na naka-fatigues, uniporme niya noong nag-train bilang jungle fighter. Mahinahon si Gng. Marcos pero halatang 'di mapalagay.

Bandang 4:30 ng hapon sa Camp Aguinaldo, idiniin ni Enrile kay Honasan na hindi sila ang unang magpapaputok. "Sino man ang dumating, gusto ko muna silang makausap." Pagkatapos, pinasundo niya kay Honasan si Brigadier General Pedro Balbanero, kumander ng Military Police Brigade; nasa custody ni Balbanero ang labing-siyam na security men ni Ongpin. Tinawagan din niya si Brigadier General Salvador Mison, hepe ng Regional Unified Command No. 8 sa Leyte, probinsiya ni Gng. Marcos. Nagkataong nasa Aguinaldo si Mison noong hapong iyon. Ora mismo ay nagreport siya kay Enrile at ipinangako ang kanyang suporta.

Tumawag din si Enrile kay US Ambassador Stephen Bosworth at kay Ambassador Kiyoshi Somiya ng Japan; ipinaalam niya na nagtitipon sila ng mga tauhan niya sa MND dahil may utos na dakpin sila. Nangako ang dalawa na ipararating nila ang balita sa kanilang mga gobyerno. Maya-maya, nag-long distance at nagpaalam si Enrile kay Rafael Salas, matalik niyang kaibigan, na nasa United Nations sa New York.

Sa Fuente Osmeña, Cebu City, nagtatalumpati si Cory, hinihimok ang mga Cebuano na sabayan siya sa pagsuway sa mga utos ni Marcos at sa pagboykot ng mga produkto at serbisyo ng mga crony. Aniya, "Handa kaming manungkulan oras na umalis si G. Marcos." Dinagdagan ni Cory ang listahan ng mga kompanya at korporasyong iboboykot. Kasama na ang Fortune Tobacco, Asia Brewery, Allied Bank, Rustan's Cebu, Cebu Plaza Hotel, Cebu Casino, Cebu Jai Alai, at ang DYFM, himpilan ng radyo ng gobyerno.

Alas-singko ng hapon, nasa Villamor Air Base chapel sina Ver at Imelda Marcos, tumatayong ninong at ninang sa kasal ni Philip Piccio, anak ng commanding general ng Philippine Air Force. Tila walang kamalay-malay si Ver na may nagaganap sa Camp Aguinaldo. Sa sobrang takot ng mga tauhan niya, walang makalapit upang ibulong sa kanya na nagtitipon na ang RAM.

"Tinawagan ako ni Vic Batac, bandang alas-singko," kuwento ni Joe Almonte, "nakompromiso raw ang buong operasyon. Nasa Plan-B na raw kami, ibig sabihin maninindigan kami sa Camp Aguinaldo at haharapin ang puwersa ni Marcos. Maraming opisyal at kawal na handang manindigan at sumuporta sa RAM. Oras na malaman nila ang nangyayari sa Aguinaldo, ganoon din ang gagawin nila sa kani-kanilang kampo sa buong kapuluan."
Nasa headquarters si General Alfredo Lim, superintendent ng Northern Police District, nang tawagan siya sa telepono ni Major General Prospero Olivas, hepe ng Metrocom at ng Metropolitan Police Force. "Itinanong ni Olivas kung alam ko na ang nangyayari. Sabi ko, oo. Ang utos niya, tipunin ko lahat ng opisyal at tauhan ng Northern Police District at antabayanan ang susunod niyang utos. May walong daang (800) pulis ang tumugon sa tawag ko."

Sa MND, Camp Aguinaldo. Nasa Social Hall na si Enrile para sa gaganaping press conference nang dumating si Honasan, kasama si Balbanero ng Military Police Brigade. Ipinaliwanag ni Enrile kay Balbanero ang sitwasyon. Nagulat si Balbanero. Wala raw kinalaman ang pag-aresto sa security ni Ongpin sa sinasabi ni Enrile. Wala raw siyang alam na utos na arestuhin ang mga repormista. Nang nakita ni Balbanero si Abadilla na aali-aligid, niyaya niya ito na gumawa ng paraang magkausap si Enrile at si Marcos. Matapos kausapin si Abadilla, pumayag si Enrile na magtungo ang dalawa sa Malakanyang.

Sa Villamor Air Base, tapos na ang kasal at nalaman na ni Ver ang tungkol sa pagkilos nina Enrile at Ramos. Agad silang nag-excuse-me ni Imelda at humangos pauwi sa Palasyo. Nagulumihanan si Ver. May inaasahan siyang kudeta pero kinabukasan pa, alas-dos ng umaga. Nagulat siya sa aksiyon ng RAM, gayon din sa pagtiwalag ni Ramos.

Sa bahay ni Ramos sa Alabang, nakaalis na sa wakas ang mga aktibista ni Cory at paalis na rin sina Ramos at Sembrano. Itinanong ni Ming kung sa bahay sila maghahapunan. Sabi niya, oo, siguro. "Wala akong sinabi kahit kanino tungkol sa tawag ni Minister Enrile dahil hinihintay ko ang tamang okasyon," kuwento ni Ramos. "Balak kong ihayag sa publiko at sa buong mundo ang pagbibitiw ko, kasama ni Minister Enrile sa Camp Aguinaldo. Gusto ko kasi, pag nagbitiw ako, magkaroon ito ng pinakamatinding epekto sa mga pangyayari. Matagal ko nang hinihintay, at dumating din, ang tamang sandali."

Dahil ipinagpaliban ni Ramos nang mahigit-kumulang tatlong oras ang pagpunta sa Aguinaldo, akala ng RAM ay nagdadalawang-isip si Ramos dahil naiba ang plano at kinakapa lang ni Enrile ang bagong script. "Dumating sa punto na kung hindi sasama si General Ramos sa mga rebelde, dadaanin siya sa laundry-bag solution," kuwento ni Sembrano. "Dudukutin at itatago nila ang Heneral at pakakawalan lamang pag nasakop na ang Malakanyang."
Kararating ni Ver sa Palasyo galing sa kasal nang makausap siya nina Balbanero at Abadilla. Gulat na gulat daw si Ver sa balita ng dalawa. Agad dinala ni Ver ang balita kay Marcos. Pagbalik, ibig aniyang makausap ng Presidente si Enrile. Ngunit hindi ma-contact ni Balbanero si Enrile sa telepono. Makaraan ang kalahating oras, minabuti ng dalawa ni Abadilla na bumalik na lang sa Aguinaldo at personal na iparating kay Enrile ang hiling ni Marcos.

Sa Radyo Veritas, 6:00 ng gabi, malinaw sa mga brodkaster na may mabigat na nagaganap sa Aguinaldo dahil partikular na hiniling ni Enrile ang pagdalo ng Radyo Veritas sa press conference nila ni Ramos. "Kayâ dumalo si Jun Taña, kasama sina Gabby Salcedo at Henry Diaz; may dala silang VHF radio at cassette recorder," kuwento ni Orly Punzalan.

Bandang 6:00 din ng gabi, sa Villa San Miguel, Mandaluyong, kauuwi ni Cardinal Sin. Hindi siya nagulat sa balitang humihingi ng tulong si Cristina Enrile dahil noong isang linggo lang ay dinalaw siya ng mga lider ng RAM; ipinagtapat sa kanya ng mga repormista ang kudeta na matagal na nilang balak. Balita'y binendisyunan ng Cardinal ang pag-aalsa. "Gawin ninyo ang tungkulin niyo para sa Diyos," sabi niya sa isang repormista.

Bago mag-EDSA, pinagpulungan ni Cardinal Sin at ng ilang paring Dominico at Hesuwita ang maaaring mangyari kung sakaling manalo sa bilangan si Cory. Papayag ba si Marcos na maluklok si Cory? "Limang eksena ang nakini-kinita namin, at umisip kami ng angkop na tugon sa bawat isa. Ngunit wala sa listahan namin, hindi namin akalain, ang naganap na paninindigan nina Enrile sa Camp Aguinaldo. Nasayang lang ang pagod namin. Sa huli, mag-isa akong nagpasiya." Pinag-iisipan pa ni Sin kung ano ang mabuti niyang gawin nang tumawag si Enrile, at pagkatapos, si Ramos. Sabi raw ng Cardinal sa dalawa, bigyan pa siya ng panahong mag-isip at magpasiya.
Nangangatal daw ang boses ni Enrile nang tumawag ito, halos mangiyak-ngiyak sa takot. "Cardinal, baka ito na ang mga huling sandali ko! Ayoko pang mamatay! Baka may magagawa kayo! Gusto ko pang mabuhay!" Posibleng ganoon na lang ang takot at pagka-desesperado ni Enrile kung wala pa si Ramos noong tumawag siya sa Cardinal.

Ayon sa mga ulat, 6:00 na noong dumating ang heneral sa MND, nakabihis-sibilyan ­ safari suit na kulay abo ­ at may subong tabako. Pinaulanan siya ng tanong ng mga reporter pero walang imik ang heneral na dumeretso kay Enrile at saglit na nagpulong ang dalawa. Walang balita kung ano ang pinag-usapan nila, pero posibleng pinagkasundo nila ang mga kuwentong balak nilang ihain sa publiko.

"Nasa simbahan kami noong una naming narinig ang balitang nagsama na sina General Ramos at Minister Enrile sa Camp Aguinaldo," kuwento ni Rose Marie "Baby" Arenas, masugid na tagahanga ni Ramos. "Dumeretso kami doon pagkatapos na pagkatapos ng Misa. Nandoon na ang press, gayon din ang mga taong malalapit sa kanila tulad nina Joe Almonte, Greg Honasan, at Sonny Razon. Nerbiyos na nerbiyos kami!"

Nadagdagan nang kaunti ang puwersa ng MND: naging tatlong daan at dalawampung (320) tauhan, kasali ang Cagayan 100 ni Gador at labing-dalawang (12) pangkat ng RAM na sibilyan. Sa Social Hall, nagkumpulan ang mga tao sa paligid nina Enrile at Ramos, hinihintay magsimula ang press conference. Kausap ni Enrile sina Balbanero at Abadilla na pinipilit siyang tumawag sa Palasyo. Ngunit ayaw makipag-usap ni Enrile kay Marcos, kahit sa telepono. Sa huli, pumayag siyang kausapin si Ver.

"Sir, ginulat ninyo kami," sabi ni Ver. Sagot ni Enrile, "Ipaaresto mo raw kami." Tangging-tanggi si Ver. "Wala kaming plano! Walang ganyang order!"
 

"Ano't ano pa man, naihagis na ang dice," ani Enrile; "kumbaga, basag na ang balat ng itlog, wala nang magagawa kundi batihin ito. Kung nais ninyong makipag-dialogue sa amin, papayag kami sa kondisyong hindi niyo kami lulusubin ngayong gabi; bukas tayo mag-usap."  


"Hindi kami lulusob kung hindi rin kami lulusubin ng inyong mga tauhan," ani Ver. "Hindi kami lulusob," pangako ni Enrile. "Wala kaming balak na kumilos laban sa Palasyo." Agad ipinagbigay-alam ni Balbanero ang kasunduan nina Enrile at Ver sa unit commanders ng dalawang puwersa.

Sinasabi ng mga military strategist na kung kumilos agad noon si Ver, tiyak na nalipol ang rebeldeng militar na wala naman talagang kalaban-laban sa puwersang militar ni Marcos. Subalit pumayag si Ver sa kondisyon ni Enrile.

"Malabo pa ang sitwasyon noon," ani Ramos. "Posibleng binabale-wala ng Malakanyang ang pagtiwalag namin ni Minister Enrile. Kami naman, kailangan namin ng panahong magpalakas ng puwersa at depensa."

Hindi pa nagsisimula ang presscon ay nakarating na kay Ming Ramos na nagbitiw na sina Enrile at Ramos. "Bandang 6:30 ng gabi, tumawag ang panganay naming si Angelita na nag-aaral sa Amerika. Tinanong niya kung totoong nagbitiw na ang kanyang ama. Sabi ko, hindi ko alam, kanino niya nabalitaan? Sabi niya, itinawag ng isang kaibigan niyang nasa Roma."

Alas-seis y medya (6:30) din ng hapon nakarating sa kuwarto ng Presidente ang report na nagbitiw na at nasa Camp Aguinaldo sina Enrile at Ramos. Alas-seis kuwarenta'y singko (6:45) nakarating ang balita sa taong-bayan, nang isahimpapawid ng Radyo Veritas, live, ang makasaysayang presscon ng dalawang bandido.

Nakakakilabot ang tensiyon sa Social Hall ng MND habang pumupuwesto sa harap ng isang kumpol na mikropono ang dalawang opisyal na kukurap-kurap sa sobrang liwanag ng mga ilaw. Sa likod nila, may isang dosenang sundalo na nagsisiksikan, nakagayak pang-combat. Sa labas, mabibigat ang armas ng mga sundalo at tangke na nagtatanod sa gates ng MND. Nang nagsalita ang dalawa, naging malinaw kung bakit napakabigat ng security. Nagpahayag sila ng pag-aalsa, Pinoy style, laban sa rehimeng Marcos.

"Ang katotohanan," sabi ni Enrile, "mayroong report na aarestuhin kami Sa ngayon, Minister of National Defense pa rin ako, kaya dito ako nagpunta Wala kaming balak na manakit. Nandito kami upang manindigan. Kung may isa sa aming mapapatay, palagay ko, kaming lahat ay kailangang patayin. Mananatili kami dito hanggang mapatay kaming lahat."

Hirit ni Ramos: "Ang mga nakatataas ngayon sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay hindi na kumakatawan sa mga sundalo't mga opisyal. Ang Presidente ngayong 1986 ay iba sa Presidente na pinangakuan naming pagsisilbihan. Maliwanag na hindi na siya nararapat maging commander-in-chief. Hindi na siya maaasahan. Inuuna niya ang kapakanang personal o ng pamilya kaysa kapakanan ng taong-bayan. Hindi na namin itinuturing si Marcos na duly constituted authority."

Si Enrile uli: "Hindi maamin ng konsiyensya kong kilalanin ang Presidente bilang commander-in-chief ng Sandatahang Lakas, at nakikiusap ako sa ibang miyembro ng Cabinet na intindihin ang kagustuhan ng taong-bayan na ipinahiwatig nila noong huling halalan. Sapagkat sa sarili kong rehiyon, alam kong nandaya kami nang hanggang tatlong daan at limampung libong (350,000) boto Hindi, hindi ako magsisilbi sa pamahalaan ni Gng. Aquino kahit pa maluklok siya bilang Presidente. Kami ay tapat sa Saligang Batas at sa bansa. Maaari kayong sumama sa amin. Wala kaming pagkain."

Si Ramos uli: "Ni hindi ako acting Chief of Staff ng Armed Forces. Sa tingin ko, nang ipatalastas niya ang appointment ko sa buong mundo, sadyang linoloko niya tayo at ang buong mundo dahil ilang beses na siyang nagpabago-bago Nais kong manawagan sa mga makatarungan at makataong kasapi ng AFP at ng Integrated National Police na itaguyod ang kilusang ito tungo sa mas mabuting gobyerno."

Kuwento ni Luis Teodoro ng Center for Special Studies ni Marcos: "May sampung minutong nagsalita si Enrile, sinabing nandaya si Marcos sa halalan, at palabas lang daw iyong ambush sa kotse niya na idinahilan ni Marcos sa pagdeklara ng martial law noong 1972." Kahit nakakagulat ang huling pahayag ni Enrile, kakaunti ang hindi napangiti sa naïveté o pagka-inosente ni Enrile. Alam ng lahat na kunwari lang iyong ambush. Ipinakita sa TV news ang litrato ng kotse niyang tinadtad ng bala pero walang nasaktan, pahiwatig na nakaparada at walang laman ang kotseng tinambangan diumano ng mga gerilya.

Bago pa nag-martial law, psy-war na ang labanan: unahan si Marcos at si Ninoy na mabihag at mahubog ang kaisipan ng taong-bayan. The end justifies the means ­ okey lang magsinungaling, magyabang, manlinlang, basta panalo ­ taktika na dinala nina Enrile sa EDSA. Sa makasaysayang presscon na bumulaga at umintriga sa taong-bayan, mas maraming hindi sinabi kaysa sa sinabi sina Enrile at Ramos. Aarestuhin daw sila, sabi ni Enrile, pero hindi niya ipinaliwanag kung bakit o kung ano ang napakabigat nilang kasalanan kay Marcos. Si Ramos naman ay ni hindi nagdahilan, sa halip ay binanatan agad si Marcos, na hindi na raw niya kayang pagsilbihan. Tuloy, parang himala ang datíng sa mga tao ng defection­ 'di inaasahan, 'di maipaliwanag, basta na lang nag-alsa ang dalawang opisyal, sampu ng kanilang mga tauhan. Aakalain mo talaga na may kakaibang puwersang nakikialam, kung hindi ang Amerika, baka nga ang Birheng Maria. Sabay ibinaling ni Enrile ang usapan sa kagaganap na snap elections at ichinismis ang pandarayang ginawa ng KBL sa Cagayan, gayon din ang pagkaka-set-up ng ambush sa kotse niya noong 1972. Huling-huli ni Enrile ang kiliti ng madla, na tuwang-tuwa sa mga pahayag niya. Walang ano-ano, nakumpirma ng mga Coryista na 'di lamang makatwiran ang kampanya nilang pabagsakin si Marcos, kundi nagwawatak na rin pala ang hukbong militar ni Ver.

Ang problema, wala si Cory. Naiwan o napaubaya sa taong-bayan ang desisyon kung paano tutugunan ang drama ng rebeldeng militar. Malinaw na sinusuyo sila nina Enrile at Ramos. Sumandali, nameligro ang tayo ni Cory.
Ang hukbong repormista ay nagulat din sa mga nabunyag sa presscon. "Shit! sabi namin, heto na, wala nang atrasan!" kuwento ni Sembrano. "Noon lang namin nadinig yung mga sinasabi nila, na nagkadayaan sa Cagayan, yung mga ganoon!"

"Ang takot ko!" tanda ni Razon. "Anong nangyari? Bakit sumabit? Ang labo! Sira lahat ng plano namin! 'Tapos ngayon, heto ang mga camera. Handa ba kaming humarap? Kung matalo kami, baka gamiting ebidensiya laban sa amin. Kaya nandoon kami nina Gringo sa kabilang tabi kung saan walang mga TV camera. Akala siguro sa Malakanyang, nasa labas na kami, pumupuwesto na, handa na silang lusubin."

Si Ming Ramos naman ay 'di makapaniwala na narinig niya ang asawa na sinasabing pabago-bago si Marcos. "Sapagkat sa bahay namin, walang maaaring magsalita laban kay Marcos ­ never!"  


Tanong ni Max Soliven: "Alin ang nauna? Ang arrest order para kay Enrile at Ramos o ang pagtalikod ng dalawa kay Marcos? Sa ano't anuman, nagtagpo na ang magkalaban."

Sa Malakanyang, 7:00 ng gabi. Nasa study room si Marcos. Ang pasabi sa mga reporter, nagpapahinga ang Presidente, pero gising siguro siya dahil labas-pasok ang mag-amang Ver at Irwin at si Information Minister Gregorio Cendaña. Kung ano ang pinag-usapan nina Marcos at Ver noong gabing iyon, walang nakakaalam, maliban siguro kay Colonel Ver.

Sa Fort Bonifacio, 7:15 ng gabi. Ipinatawag ni Ver sa Tactical Operations Center ang kanyang senior officers na pinangungunahan nina Rear Admiral Brillante Ochoco, Navy Chief; Brig. Gen. Felix Brawner, Deputy Chief of Staff ng Operations at Commanding General ng First Scout Ranger Regiment; Brig. Gen. Jose Bello, Deputy for Plans & Materiels Development; Brig. Gen. Catalino Villanueva, Deputy for Personnel; Commodore Serapio Martillano, Deputy Chief of Staff; Brig. Gen. Fortunato Corrachea, Deputy for Home Defense; Navy Capt. Eriberto Varona, secretary ng General Staff; at Colonel Ver ng PSC. Pinagpulungan nila kung paano makokontra ang kampong Enrile-Ramos. Wala sila ni mapa ng Crame-Aguinaldo area. Mahigit 3,600 ang opisyal at sundalo ng PSC ngunit dahil nakalaan ang mga ito sa depensa ng Malakanyang, ibang mga unit ang gagamitin sa aksiyon laban sa Aguinaldo at Crame. Inutos ni Ver na magpatalastas ang mga heneral sa lahat ng military units sa buong kapuluan na siya pa rin ang Chief of Staff ng AFP.

Samantala, nasa Camp Crame si Olivas, Metrocom chief na may hawak sa mga anti-riot police unit ni Marcos. Habang inaantay niya si Ramos, biglang sumamâ ang pakiramdam ni Olivas: tumaas ang blood pressure ng 160/110 at ang pulse rate ng 130 kada minuto. Inutos ng mga doktor na dalhin ang heneral sa Camp Panopio para doon magamot.

Pagkatapos ng presscon, nagpulong uli sina Ramos at Enrile. "Nagpasiya si General Ramos na bumalik sa opisina niya bilang PC Chief sa Camp Crame," kuwento ni Almonte. "Nandoon kasi ang staff niya at ang communications set-up niya."

"Malinaw ang hatian namin ni Minister Enrile ng kapangyarihan," ani Ramos. "Siya ang may hawak ng political at diplomatic affairs. Ako naman ang commander ng military operations." Pagdating sa Camp Crame, si Olivas ang unang hinanap ni Ramos sapagkat alam niya na ang anti-riot police ang unang depensa ni Marcos. Nang nabalitaan niya ang nangyari kay Olivas agad siyang tumawag sa Camp Panopio. "Olive, alam mo na ang sitwasyon. Inaasahan kita." Sagot agad ni Olivas, "Yes, sir!"

Ani Ramos, "Napakaimportante ng suporta ni Gen. Olivas at ng PC-INP units sa kanyang command. Kung wala ang suportang ito, baka may tumira sa amin mula sa loob; hindi ito nangyari."


Si Bel Cunanan, kolumnista na nasa Cebu rin, ang nagbalita kay Cory na nag-defect sina Enrile at Ramos. "Noong una, hindi ako makapaniwala," sabi ni Cory. "Tumawag ako sa Maynila para mag-usisa."

Sa Epifanio de los Santos Avenue o EDSA, ang highway sa pagitan ng Camp Crame at Camp Aguinaldo, may nagkumpulan sa magkabilang gate na mga tao at mga sasakyan. Karamihan ay dati nang supporters nina Enrile at Ramos at ng RAM na maagang nabalitaan ang defection, at ang iba ay mga Coryista na nag-uusyoso, nakikiramdam. Pagkatapos ng presscon, kuwento ni Baby Arenas, sumunod sila kay Ramos at pumuwesto sa EDSA gate ng Camp Crame. "Punumpuno ng mga pari at madre iyong luma kong Isuzu Trouper ­ kaya mahal na mahal ko iyon. Ang una kong naisip ay pauwiin ang anak kong si Rachel para sunduin ang imahen ko ng Our Lady of Fatima. Kaya iyong nakita ninyong Fatima, iyong unang-una sa EDSA, galing iyon sa ina ko, nakuha niya sa Europa. Pinadala ko rin sa opisina ni General Ramos ang imahen ni Mary, Help of Christians, at isang Santo Niño."

Alas-ocho (8:00) ng gabi sa Malakanyang newsroom. Inabisuhan ang mga reporter na magdadaos ng televised press conference si Marcos sa Reception Hall ng 10:30 ng gabi. Napansin ng mga reporter na nasa labas pa rin ng lumang Maharlika building si Deputy Minister Aber Canlas, iniintindi ang pagtatayo ng entablado para sa inagurasyon ni Marcos. Tila 'di niya alam na may nangyayari sa Camp Aguinaldo; maliwanag ang mga ilaw at tuloy-tuloy, dali-dali, ang pukpukan. Sa loob, halatang hindi normal ang sitwasyon. Sa halip na naka-barong Tagalog ang close-in security ng pamilyang Marcos, bush jackets na kulay-abo ang suot nila.

Alas-ocho din ng gabi sa Mendiola, malapit sa Malakanyang. Limampung (50) law students na may dalang mga streamer at placard ang nagkampo sa San Beda College para maglamay. Sabi ng isang placard: "Feb. Election: Pekeng Tagumpay Para Kay Marcos!" Isa pa: "Hindi kami mabuting kapitbahay ng Malakanyang!"

Lahat ay nakadikit ang tainga sa Radyo Veritas, sinusubaybayan ang nangyayari sa militar ni Marcos na dalawang dekada nang naghahari. Ibig malaman ng mga tao noon din, ora mismo, kung anong nangyayari sa Camp Aguinaldo at sa Camp Crame, sa Palasyo ng Malakanyang, sa Manila International Airport, sa Mendiola, at kung saan pa may aksiyon. At wala nang dadaig sa radio waves na 186,000 miles per second ang datíng. "Mabuti na lang at sinuportahan kami ng Radyo Veritas, at pagkatapos, ng gerilyang Radyo Bandido," ani Ramos. "Malaking bagay ito para sa amin sapagkat wala kaming sariling facilities pang-communicate sa mga puwersa sa labas maliban sa telephone system."

Alas-ocho kinse (8:15) ng gabi sa Camp Aguinaldo. Natanggap ni Brigadier General Fidel Singson, hepe ng ISAFP, ang utos ni Ver: "Wasakin ang Radyo Veritas!" Hindi alam ni Ver, naghahanda nang sumama sa puwersang Enrile-Ramos ang ISAFP, na kapitbahay ng MND. Nagpapunta pa rin si Singson ng isang pangkat sa Veritas pero upang magmasid lang.

Bandang 8:30 ng gabi, dumalaw kay Ming Ramos si Tony Abaya, isang kapitbahay, kasama si Father de Santis, ang parish priest ng Alabang Church. "Itinanong nila kung gusto kaya ng asawa kong may magpuntang mga tao sa Aguinaldo. Tinawagan ko ang asawa ko para itanong. Sabi niya, 'Magandang ideya iyan, na magkaroon ng people power.' Noon ko lang nadinig ang mga salitang iyon, 'people power'."

Bago sumugod sa EDSA ang grupo ni Abaya, na kasama sina Bishop Teodoro Bacani, Triccie at Louie Sison, Joe Alejandro, atbp., tinawagan muna ni Bishop Bacani sa telepono si Cardinal Sin upang ipaliwanag ang balak nilang gawin. Maaaring ito ang tawag na nag-udyok sa Cardinal na manawagan sa Radyo Veritas pero maaari ring hindi. Maraming tumawag kay Cardinal Sin noong gabing iyon, kaya lang, tulad ng rebeldeng militar, pahapyaw din kung magkuwento ang Cardinal. Malinaw lang na nagpaligoy-ligoy muna siya. Tanda ni Alejandro: "Noong una siyang nagsalita sa Veritas, sabi lang niya, 'Huwag kayo matakot, manatili kayo sa inyong mga tahanan.' Sabi namin, hindi ganoon ang gusto namin. Gusto naming sabihin niya sa mga tao na magpunta sila sa EDSA. Kaya tinawagan uli ni Bishop Bacani ang Cardinal."

Alas-nuwebe (9:00) daw ng gabi unang nanawagan si Cardinal Sin sa Radyo Veritas at nakiusap sa publiko na suportahan ang "dalawa nating mabuting kaibigan." Maaaring natawagan na rin niya noon ang mga madreng kontemplatiba na Poor Claires, Pink Sisters, at Carmelites. Ani Cardinal Sin sa mga madre: "Iwan ang inyong mga silid. Magsitungo sa kapilya, ilantad ang Blessed Sacrament, dumipa sa paa ng Diyos, at magdasal kayo at mag-ayuno. Mula ngayon, hindi kayo kakain hanggang hindi ko sinasabi, sapagkat tayo'y nag-aalsa at kayo ang powerhouse ng rebolusyon! Kapag tayo'y natalo, mag-aayuno kayo hanggang malagutan kayo ng hininga!"

Bandang 9:00 rin ng gabi, nasa Pasay City si Butz Aquino, nakababatang kapatid ni Ninoy, sa birthday dinner ni Mildred Juan na kasamahan niya sa August Twenty-One Movement o ATOM. Maugong ang balita na dadamputin ang mga lider ng oposisyon at ibabalik ang rehimeng militar. Kumakain si Butz habang nakikinig sa replay ng kasindak-sindak na press conference nina Enrile at Ramos sa Veritas. Nang marinig ni Butz ang pakiusap ng dalawa, napaisip siya; nákutubán niyang maselan ang sitwasyon.

Samantala, nasa telepono uli si Enrile, nakikiusap kay Beltran ng Inquirer na magtawag ito ng mga lider ng oposisyon na magsasalita sa radyo at magpapahayag ng suporta sa kanila ni Ramos. Tinawagan ni Betty Go-Belmonte ang Mambabatas na si Cecilia Muñoz Palma. Agad nanawagan sa Veritas si MP Palma. Isa siya sa mga unang lider ng oposisyon na sumuporta sa himagsikan.
"Umuugong ang chismis na ipasasara o kaya ay ire-raid ang mga diyaryong anti-Marcos," kuwento ni Beltran. Ayon sa mga tagapalasyo at militar, isasara ang Veritas, Malaya, at Inquirer at may dadakping apat na Cabinet minister.

Bandang 9:30 ng gabi, sa headquarters ng ATOM sa Makati, nagpasiya ang executive committee na maghintay muna at antabayanan ang susunod na mga pangyayari. Sa madaling salita, ayaw nilang pangunahan si Cory. Si Butz ang tanging pursigido na kumilos agad. "Ito na ang pagkakataon nating pag-awayin ang military," sabi niya. Sa tingin ni Butz, hindi tipong sasali si Ramos sa isang sarsuela para lokohin ang mga tao. Pagdating kay Enrile, handa siyang makipagsapalaran. "Hindi ko siya gaanong kilala pero naniniwala ako na wala siyang kinalaman sa pagpaslang kay Ninoy. Wala ring ebidensiya na sangkot siya sa human-rights violations. Alam nating ilang taon na siyang nasasaisantabi at si Ver na ang nasusunod." Nangahas si Butz na magsarili at magbaka-sakali. Tinawagan niya si MP Palma at nagtanong: "Naniniwala ba kayo sa dalawang ito?" Sagot ng MP, "Parang oo. Ikaw, anong balak mo?" Ani Butz, "Pupunta ako sa Camp Aguinaldo at mag-aalok ng tulong, kahit anong tulong ang maibibigay namin."


Sa Villamor Air Base, nakikinig din sa Radyo Veritas ang kababayan ni Enrile na si Colonel Antonio Sotelo, kumander ng 15th Strike Wing ng Philippine Air Force (PAF), nang tumawag sa telepono ang isa sa mga lider ng RAM, si PAF Colonel Hector Tarrazona, at hiningi ang suporta niya. Oo, sabi ni Sotelo, tutulong ako. Noon din ay tinipon niya ang kanyang squadron commanders at mabilis na ipinaliwanag ang sitwasyon. Inutos niya na punuan ng gasolina at armasan ang limang attack helicopters ng Villamor. Hindi alam ni Sotelo na Disyembre 1985 pa'y na-contact na ni Lieutenant Colonel Oscar Legaspi, RAM member, ang karamihan sa mga piloto ng Air Force, kabilang si Major Charles Hotchkiss, kumander ng 20th Air Commando Squadron sa pamumuno ni Sotelo.

Samantala, sumabak na rin sa gulo si Eduardo "Danding" Cojuangco, pinsang buo ni Cory at number-one crony ni Marcos. Alas-diyes (10:00) ng gabi sa bahay niya sa Balete Drive, New Manila, Quezon City, dinatnan ni PC Colonel Maximo Mejia si Cojuangco na may kapulong na military officials at isang civilian ­ si Virgilio de Guzman, kuya ni Brigadier General Isidoro de Guzman na kumander ng Region 3 ­ kaugnay ng pagpapatahimik sa Radyo Veritas. Tila minabuti ni Cojuangco na makialam na sapagkat walang epekto ang mga utos ni Ver (kina Olivas at Singson) na wasakin ang transmitters ng himpilan. 'Di malinaw kung sino ang nag-utos kay Mejia na dumalo sa miting (maingat masyado ang militar, bihirang magbitaw ng pangalan ng kapwa-sundalo) o kung ano ang naging papel niya sa aksiyon kontra sa Veritas. Basta't sa miting na iyon daw ay tiniyak sa kanya na si Marcos mismo ang nagpapa-neutralize sa transmitter farm ng Veritas sa Malolos, Bulacan. Ayon kay Cojuangco, ito ay upang maiwasan ang paglalâ ng gulo na nilikha ng pag-aalsa nina Enrile at Ramos.

Noong gabing iyon, Radyo Veritas ang tanging nagbabalita ng bawat pangyayari sa bumubukadkad na himagsikan. Wala ni isang TV station na nag-newsbreak o nagbalita ng kahit ano kaugnay nito. Walang ibang radio station na nagsahimpapawid ng press conference. Masasabing ang Radyo Veritas ang humatak sa mga tao na abot-EDSA na ang kumpulan at parang mga tupang takang-taka, 'di mawari ang katuturan at kahihinatnan ng ginagawa nila.

Sa Reception Hall ng Malakanyang, 10:00 din ng gabi. Nakaabang na ang mga reporter sa gaganaping press conference ni Marcos. Nakita nila nang lumabas si Imelda sa study room ng Presidente, may kabuntot na mga pulitiko. Mataas ang boses ni Imelda, dinig na dinig ng mga reporter ang kuwento niya na may natuklasang sabwatan na ililigpit silang mag-asawa pagkalipas ng hatinggabi.

Bandang 10:00 din nang makarating si Butz Aquino sa Camp Aguinaldo. Hinanap agad niya si Enrile. Ramdam na ramdam ang tensiyon sa paligid ng MND. Pinagpapawisan ang mga sundalo sa hagdan gayon din si Enrile (mainit siguro ang suot niyang bullet-proof vest) na halatang ninenerbiyos. Nang mag-alok daw ng tulong si Butz, ani Enrile, "Kailangan namin lahat ng tulong na maibibigay ninyo." Hindi na raw nagdalawang-isip si Butz. Alas-diyes bente (10:20) ng gabi, nang makita niya si Jun Taña sa telepono na nagrereport sa Radyo Veritas, agad sumingit si Butz at nanawagan sa mga tagapakinig: "Nandito ako sa Camp Aguinaldo. Katatapos naming mag-usap ni Minister Enrile. Handa silang lumaban kung sila ay lulusubin. Nandito ako upang hadlangan ang pagdanak ng dugo. Pipilitin kong maging tahimik at matiwasay ang solusyon. Nananawagan ako sa mga kababayan kong ibig kumilos, lalo na sa mga kaibigan ko sa ATOM, Bandila, at FSDM, magkita-kita tayo sa Isetann sa Cubao. Doon natin pag-usapan kung anong pinakamabuti nating gawin!"
 

Napaungol si Father Francisco Araneta nang narinig si Butz Aquino na nagtatawag ng volunteers para magmartsa at sumuporta sa mga rebeldeng sundalo sa Crame at Aguinaldo. "Hayun na ang hangal!" sabi niya sa sarili.


Narinig din ni Cesar D. Umali si Butz Aquino sa Veritas at naitanong niya sa sarili: "Anong magagawa ng mga sibilyan, maliban sa mamatay, kung magkasalpukan ang dalawang hukbong propesyonal? Bibigyan kaya ng armas ang volunteers para makipagputukan din sa mga sundalo?" Siguro raw natakot lang siya na sumama kay Butz kaya kung ano-anong itinatanong niya. "Hindi ko akalaing napakawalan na ang pang-kontra kay Marcos, ang tinatawag na People Power. Nakatulog ako na gulong-gulo ang isip."

Kuwento ni Cory: "Sabi ng mga taong tinawagan ko sa Maynila, nakikiusap na si Butz na magpunta ang mga tao sa EDSA, ibig sabihin, sumali na ang ATOM. At nanawagan na rin daw ang Cardinal. Sabi ko, gusto kong makausap si Johnny Ponce Enrile."

'Di gaanong malinaw ang sequence of events; malinaw lang na habang lumalalim ang gabi, lalong tumatapang si Cardinal Sin, lalo na noong nanawagan na si Butz Aquino. Kung tutuusin, pinakamatimbang ang panawagan ni Butz sapagkat siya ang agad-agad naghain ng panukalang gumitna ang taong-bayan sa dalawang puwersa ng militar upang mapigilan ang patayan ­ panukalang hindi naisnab ng taong-bayan dahil sakay na sakay sa non-violent strategy ni Cory. Pati si Ramos ay tila na-inspire sa panukala ni Butz.

Tumawag uli si Eddie," kuwento ni Ming. "Baka raw mabuting magtipon din kami ng People Power dito sa Alabang."

"Sabi ko sa kanya, Ming, huwag kang magtatago at huwag kang tatakbo," kuwento ni Ramos. "Diyan ka lang sa bahay; hayaan mong paligiran ka ng People Power. Larong People Power ito. Importanteng mapaghari natin ang kataas-taasang kapangyarihan ng taong-bayan." Hindi malinaw kung sinadya ni Ramos na ibahin ang tugon nilang mag-asawa sa naging tugon ng mag-asawang Enrile sa krisis; ang malinaw lang ay walang pinalampas na pagkakataon si Ramos na magtanghal ng sariling drama.

Gayon pa man, hindi agad kumilos ang mga Coryista; pinag-isipan muna nilang mabuti ang kanilang gagawin. Ang marami ay pinakinggan uli ang replay ng katatapos na presscon at, pagkatapos, ang mga sumunod na panawagan nina Cardinal Sin, Butz Aquino, atbp.

Nang nakarating kay Enrile sa MND na gusto siyang makausap ni Cory tinawagan niya sa telepono ang Quisumbing residence sa Cebu. Kuwento ni Cory: "Kinumusta ko siya. Sabi niya, holding out sila. Sabi ko, wala akong maitutulong kundi ang ipagdasal sila. Sabi niya, kailangang-kailangan nila ang mga dasal ko." Sandali lang nag-usap ang dalawa. Alam nila pareho na maaaring may nakikinig sa linya. Binalaan ni Enrile si Cory na nanganganib ang buhay niya. "Malamang, dadamputin ka, kaya maghanda ka at mag-ingat."

Alam ni Cory ang tungkol sa balak ni Enrile na kudeta. Nagsumamo ang mga koronel ni Enrile na manatili siya sa Maynila. Pero hindi maliwanag kung anong balak nila para kay Cory kaya nailang at napraning ang mga Coryista. Naisip tuloy nilang magtayo ng provisional revolutionary government sa Davao kung sakaling magkagulo sa Maynila. Nakumbinsi na ng business community ng Davao si Colonel Rodolfo Biazon, provincial commander ng Marines, na protektahan ng kanyang brigada si Cory Aquino pagdating nito galing Cebu. Ang problema, natuklasan ng aide ni Biazon ang plano at isinumbong sa hepe ni Biazon; ang utos ng hepe sa aide, kung magde-defect si Biazon, "Bumunot ka at barilin mo siya!"

Kasama ni Cory sa Quisumbing residence sina Monching Mitra, Nene Pimentel, ang kapatid niyang si Peping, sina Tony Cuenco at Sonny Osmeña. "Sabi nila, kailangan kong lumipat sa mas ligtas na lugar. May binanggit na US navy boat si Monching, baka puwede raw kami doon. Sabi ko, hindi, ang gusto ko'y magpunta sa Carmelite convent."

Sa Maynila, sa government TV Channel 4, pinutol bigla ang nakasalang na programa at nag-newsbreak si Ronnie Nathanielz, na halatang ninenerbiyos. Wala daw katotohanan ang chismis na nagkakagulo na. Hawak pa rin daw ni Presidente Marcos ang gobyerno. Abangan daw ang paglabas sa TV ng Presidente na may mahalagang sasabihin. Hanggang sa mga oras na iyon, bandang 10:30, ang Radyo Veritas pa rin lamang ang nakatutok sa mga tunay na pangyayari.


Sa wakas, humarap si Marcos sa mga camera at sa press at isinumbong sa bayan na may natuklasan sina Bongbong Marcos at Irwin Ver na sabwatang patayin siya at si Gng. Marcos. Sabi niya, may nadakip silang opisyales ng militar na kasangkot sa sabwatan at tila may kinalaman dito sina Enrile at Ramos, kayâ nagtipon ang mga ito sa Camp Aguinaldo.

Upang patunayan ang kanyang istorya, ipinakilala ni Marcos sa mga manonood si Captain Morales, isa sa mga bodyguard ni Imelda, na binasa ang kanyang kumpisal. Tinukoy muna ni Morales ang mga kasabwat niyang sina Honasan, hepe ng security force ni Enrile; Major Noe Wong at Major Arsenio Santos, mga aide ni Enrile; si Kapunan, intelligence chief ni Enrile; si Lieutenant Colonel Jake Malajacan, commanding officer (CO) ng 16 Infantry Brigade ng 2nd Infantry Division; at si Major Saulito Aromin, CO ng 49 IB ng 2nd Infantry Division. Inamin ni Morales na may plano ang RAM na pasukin ang Malakanyang kinabukasan at bihagin ang mag-asawang Marcos. Apat na grupo ang lulusob, ang isa'y dadaan sa Pasig River, isa sa Malacañang Park, isa sa JP Laurel gate ng Palasyo, at isa sa likod ng Palace gym. Tatlong batalyon daw ang lulusob sana, na pawang pamumunuan ng reformist officers.

Pagkatapos mangumpisal ni Morales, kinagalitan ni Marcos sina Enrile at Ramos: "Itigil na ninyo ang kahangalang iyan at sumuko na kayo nang makapag-usap tayo!" Aniya, pinapaligiran na ng heavy artillery at mga tangke ang Camp Aguinaldo. (Maaaring ni hindi alam ni Marcos na nasa Crame na si Ramos.) Kung hindi raw susuko ang dalawa, kayang-kaya niyang ipalipol ang mga rebelde nang walang masasaktan sa puwersa ng gobyerno.

Sa Isetann, Cubao, 10:45 ng gabi. Aapat pa ang tao na tumutugon sa panawagan ni Butz Aquino. Nagtinginan sina Butz at Tom Achacoso at ang apat. "Paano tayo magrerebolusyon kung aanim tayo?" Bandang 11:00 na nang nagsimulang magdatingan ang mga tao, pailan-ilan, pa-dose-dosena. Malinaw na hindi agad sumugod ang mga tao sa EDSA. Tila hinintay muna nila ang tugon ni Marcos ­ maaaring out of habit, maaaring out of curiosity ­ sa dalawang bandido na dati niyang alagad. Nang dumating ito, nakinig ang taong-bayan at naaliw, scripted kasi ang datíng ng mga patalastas, parang gawa-gawa lang ni Marcos upang siraan ang mga rebelde. Pero sineryoso at prinoblema ng mga tao ang balitang pinapaligiran ng mga kanyon at tangke ang mga kampo. Maaaring saka nila nakita ang katwiran ni Butz. Mapipigilan ang putukan at patayan kung gigitna sila. Saka lang humangos sa EDSA ang taong-bayan upang saklolohan ang rebeldeng militar.

Ayon sa tropang Coryista na galing Alabang, papunta na sila sa EDSA nang sa wakas ay nagtawag si Cardinal Sin ng People Power sa paligid ng mga kampo. Kuwento ni Alejandro: "Dumaan pa muna kami sa Tropical Hut at pinakyaw namin ang hamburger sandwiches, animnapu't walo (68) lahat; ito ang kauna-unahang pagkain na dumating sa EDSA. Nandoon na kami noong nagsidatingan sina Butz Aquino galing Cubao."

Sa EDSA, lahat ng daan patungo sa main gate ng Camp Aguinaldo ay may barikada na ­ iba't ibang uring sasakyan, iba't ibang klaseng mga tao na nagrorosaryo, grupo-grupo o nag-iisa, teenagers na nakamaong at t-shirt, mayayamang matrona at ang mga mister nila, mahihirap, maglalako, mayroong mga pami-pamilya kung dumating. Nandoon lahat: banal at hangal, mababa at mataas, medyo natatakot, dasal nang dasal, excited, at iisa ang nasa isip: na makatulong kahit na paano sa pagsulong ng rebolusyon. May pinagpasahang maliit na mesa paakyat sa ibabaw ng guardhouse kung saan may lalaking nakatayo. Sumunod ang isang istatwa ng Our Lady of Fatima na ipinatong ng lalaki sa mesa at tinirikan ng kandila. 'Tapos, nagrosaryo ang grupo, nanalangin na maging matiwasay ang solusyon sa krisis.

Alas-onse (11:00) ng gabi, habang dumarami ang tropa ni Butz Aquino sa Cubao, at habang nasa TV si Marcos, nakontak ni Ver si Olivas sa telepono. Inutos ni Ver na patahimikin ni Olivas ang Radyo Veritas dahil hinihikayat nito ang mga tao na magpunta sa Aguinaldo at Crame. Umoo si Olivas pero hindi siya kumilos. Pagkalipas ng ilang minuto, tumawag si Minister Juan Tuvera, presidential executive assistant; kinumpirma ni Tuvera na si Marcos ang may utos na i-neutralize ang Veritas. Nangako si Olivas na masusunod ang utos.

"Siyempre, para hindi agad mahalata na kampi siya sa amin, kinailangang mag-drama ni General Olivas," kuwento ni Ramos. "Tuwing tatawag si Marcos o si Ver, daig pa niya ang tumatawid sa alambre."

Sa Radyo Veritas, ini-interview ni Harry Gasser si Enrile. Tugon ni Enrile sa utos ni Marcos na sumuko na sila ni Ramos: "Mr. President, sana'y nakikinig ka. Husto na, Mr. President, tapos na ang iyong oras. Huwag mong maliitin ang aming puwersa." Dahil malalim na ang gabi, hindi raw inaasahan ni Enrile na magkakausap pa sila ni Marcos. Itinanggi din niyang may sabwatan ang mga rebelde na patayin ang Presidente. "Walang opisyal na nangangalang Morales sa AFP," sabi niya. Hanggang sa huli'y itinanggi ni Enrile at ni Honasan ang plano nilang kudeta, bagay na ipinagtampo tiyak ni Morales at ng mga kasamahan niya.

Sinasabing ayaw makipag-usap ni Enrile kay Marcos noong gabing iyon habang tagilid pa ang lagay nila sapagkat baka siya makumbinsi ng Presidente na magbalik-loob sa rehimen (iba raw kasi talaga ang relasyon ng dalawa); ang pahiwatig ay hindi desidido si Enrile sa kanyang pag-defect. Pero may nagsasabi rin na gimik lang ito ni Enrile, na nagbabaka-sakaling hindi siya titirahin ni Marcos hangga't hindi siya nakakausap; ibig sabihin, magkakaroon pa sina Ramos at Honasan ng panahong magpalakas ng puwersa.

Buong gabing nakababad sa telepono si Ramos at ang kanyang mga tauhan. "Una naming tinawagan, siyempre, iyong mga tropang alam naming sasama sa amin. Halimbawa, ang Naval Patrol Force ni Commodore Tagumpay Jardiniano na ikatlong bahagi agad ng Philippine Navy. At ang Scout Ranger Regiment, kahit sila mismo ang pambato ni Ver. Marami kasing Ranger officers ­ hindi lamang iyong mga bata; pati senior officers at unit commanders ­ na sa akin nag-train bilang junior officers," kuwento ni Ramos. "Inutusan ko rin ang mga kakampi naming regional commands na bumuo ng mga unit na susuporta sa amin kung sakaling mangailangan kami. Inalok ako ng isang contingent ni Brigadier General Renato de Villa na nasa Legaspi City noon."

Alas-onse ng gabi sa Cebu. Hindi na nakadilaw si Cory. "Sabi nila, sikapin kong 'di makilala, kaya humiram ako ng damit kay Nancy Cuenco." Tapos, hinintay niya si Kris, na nagdi-disco-hopping. Kuwarenta minutos bago natagpuan ang dalaga, at saka isinugod ni Peping Cojuangco ang mag-ina sa kumbento ng Carmelites para doon magpalipas ng gabi. Ang iba naman ay tumuloy sa US Mission Office upang makigamit ng radyo at makibalita sa Maynila.

Sa Camp Aguinaldo, 11:00 rin ng gabi. Dumating si Armida Siguion-Reyna, kapatid ni Enrile, at nakipaglamay sa mga rebelde. Kasama ni Enrile sa opisina niya sina Brigadier General Ramon Farolan, retired General Romeo Espino, General Alfonso, General Eduardo Ermita, at sina Colonels Honasan at Gador. Grabe ang tensiyon tuwing kikililing ang telepono. Isa sa mga tumawag si MP Tony Carag, itinatanong kung puwedeng kausapin ni Enrile ang Presidente. Sabi ni Enrile, bukas siguro.


Sa Radyo Veritas, nanawagan muli si Cardinal Sin. "Labis akong nababahala sa kalagayan nina Minister Enrile at General Ramos," sabi niya. "Nakikiusap ako sa taong-bayan na suportahan ang dalawa nating kaibigan. Ipakita ang inyong pagkakaisa ngayong hinihingi ito ng panahon."

Sa harap ng EDSA gate ng Camp Crame, may nagtatanghal ng biglaang rally. Makulay, samutsari, ang mga taong nagkumpulan. Mga mestisong taga-siyudad, mga propesyonal, negosyante, matrona, at mga pari at madre. Ang kahabaan ng highway ay pinaradahan ng mga Mercedes, Corolla, Crown, Liftback, Laser, at Hi-Ace. Sa harap ng mga gate ng Aguinaldo, may nagtayo ng pansamantalang altar na may nakatirik na mga kandilang umaapoy at may mga matrona at madreng nagbabantay. Kung nagpasiya si Marcos na kitlin agad ang himagsikan, madali niya sanang nagawa ito; dadalawang daan ang sundalo sa loob ng kampo, gayon din ang bilang ng mga sibilyan at mga sasakyan sa labas.

Alas-onse kinse (11:15) ng gabi sa Malakanyang. Natapos ang press conference ni Marcos nang sunduin ni Imee ang ama. Si Morales naman ay lumapit kay Gng. Marcos. "Madam, wala kaming balak na patayin kayo ng Pangulo." Napaluha si Gng. Marcos; tinapik niya sa balikat si Morales, at umalis.

Samantala, ikalimang tawag na ni Marcos kay Olivas, inuutos na i-disperse ng anti-riot police ang mga tao. Nagkunwaring masunurin si Olivas. "Yes, sir," paulit-ulit niyang sabi ngunit wala siyang ginawa kundi hintaying kumapal lalo ang mga tao sa mga barikada, tulad ng inaasahan ng kumander niyang si Ramos.

Alas-onse y medya (11:30) ng gabi sa Isetann, Cubao, libo-libo na ang mga tao. Nanawagan uli si Butz sa Radyo Veritas. "Nandito kami sa Isetann at mamartsa kami papuntang Crame at Aguinaldo. Handang lumaban sina Minister Enrile kung sila ay lulusubin. Kung mangyayari ito, tutulungan namin sila, papaligiran namin ang mga kampo at poprotektahan namin sila ng aming mga katawan. Gagawin namin ito sapagkat ibig lang nina Enrile at Ramos na sundin ang niloloob ng taong-bayan. Nararapat nating suportahan kahit sino, basta't iginagalang ang niloloob ng taong-bayan. Sumama kayo sa amin at palakasin lalo ang aming hanay nang hindi maging madugo ang labanan! Ang matatapang lang ang dapat magpunta dito!"


Hindi lubos na totoo na gusto lang nina Enrile at Ramos "na sundin ang niloloob ng taong-bayan" pero maaaring bahagi ito ng sariling psy-war ni Butz upang puwersahin sina Enrile na sumama na kay Cory.

Nang gabi ring iyon, nagpasiyang sumuporta sa kampanya ni Cory Aquino at magwelgang-bayan sa Miyerkoles, ika-25th, ang Kilusang Mayo Uno (KMU), pinakamalaking labor organization sa Pilipinas. Mahigit 1.2 milyong manggagawa ang paparalisa sa negosyo sa pamamagitan ng mga walkout at sabay-sabay na welga. Maaapektuhan ang mga airline, transportation, banking, mga hotel at restawran, food and drugs, garments and textile, stevedoring, mining, manufacturing, at service industries.


Maghahatinggabi na nang nag-isyu, sa wakas, ang White House ng pahayag na may kiling sa rebeldeng militar. Inungkat ng official statement ang dayaan sa halalan na isinumbong nina Ramos at Enrile. Binalewala ni Reagan ang kuwento ni Marcos na biktima siya ng isang sabwatan. Bilang tugon um-appear uli si Marcos sa Channel 4 at iginiit ang poder niya.

Ang problema, kaduda-duda na ang poder ni Marcos. Bigo ang bawat gimik ni Ver na pakilusin ang mga tropa ng gobyerno laban sa Veritas, Crame, at Aguinaldo. Naisip nga niyang lunurin sa dilim ang dalawang kampo at inutusan niya si Brigadier General Feliciano Suarez, hepe ng 52nd Engineer Brigade, na putulan ng koryente ang dalawang kampo (tangay na rin sana ang Veritas na dadalawang kilometro ang layo sa hilaga). Subalit nang iparating ni Suarez ang order kay Brigadier General Francisco Gatmaitan ng Manila Electric Company, naiskandalo si Gatmaitan. Imposible raw sapagkat madadamay pati ang Philippine Heart Center kung saan pasyente ang ina ni Marcos, si Doña Josefa Edralin. Kung ganoon, sabi ni Ver, tubig ang putulin. Imposible rin, balik ni Suarez. Suko si Ver.

Sa Cebu, noong malaman ng mga tao na nasa Carmelite Convent si Cory, "Nagsidatingan sila at kinalampag ang tarangkahan ng kumbento. Pero tiniyak sa akin ng mga madre na mamamatay muna sila bago may makalapit sa akin. Ang problema, pati sina Monching Mitra na may ipababasa sana sa akin na press release ay hindi ko na nakita hanggang umaga."

Sa Alabang hideout nina Cristina Ponce Enrile at Eggie Apostol, "Yakap-yakap ni Cristina ang istatwa ng Fatima. Nakadikit ang tainga ko sa radyo, kay June Keithley. Walang tulugan," kuwento ni Eggie.

Lahat yata ay nakikinig kay Keithley, na kilalang-kilala ng madla ang boses (medyo matinis) dahil sikat siyang TV personality na dating may gag show at talk show at nag-produce rin ng children's show. Isa rin siyang stage actress at soprano na nag-train kay Fr. James Reuter, ang Hesuwita na may hawak ng Radyo Veritas para sa Asia Foundation ng US Agency for International Development (USAID). Kilalang oposisyonista si Keithley, na lumantad kasabay ng ibang kababaihan sa media noong napatay si Ninoy, at tumulong sa Veritas sa pagmo-monitor ng mga katiwalian at karahasan noong snap elections. Sa madaling salita, kapani-paniwala siya, napakataas ng krebilidad niya, noong unang gabing iyon nang nangahas siyang gamitin ang Veritas upang isulong ang rebolusyon.

Importanteng kawing sa communications system ng rebolusyon ang Hesuwita na si Reuter. Mayroon siyang VHF radio link kay General Ramos sa Camp Crame, kay Minister Enrile sa Camp Aguinaldo, isa pa sa Radyo Veritas kay June Keithley, at may telephone line siya sa political section ng US embassy.

Sa Isetann, Cubao, maghahatinggabi. "Maraming dumating na armado," kuwento ni Butz. "Naglabasan ang mga nakatagong armas, hidden arms, 'ika nga." May 10,000 na ang bilang ng grupo noong nagsimula silang magmartsa patungong Camp Aguinaldo, sumisigaw ng "Cory! Cory!" at nagla-Laban sign. Patuloy din silang dumadami, naging 20,000, hanggang naging 30,000 na sila pagdating sa mga kampo. Mas matapang na rin sila, mas may kumpiyansa na sa puwersa nila."

Sa mga sumunod na panawagan ni Cardinal Sin, sakay na sakay na siya sa strategy ni Butz na punuin ng mga tao ang mga kalsada para maiwasan ang pagdanak ng dugo at pagpapatayan ng magkakapatid. "Hangad lang namin na mapigil ang unang putok ng baril, ang unang patak ng dugo," aniya pagkatapos. "Tinawag ko sila sa Crame at Aguinaldo sa ngalan ng pag-ibig, hindi ng digmaan."

"Noong panahong iyon," kuwento ni Cory, "kakila-kilabot pa rin si Marcos. Pero naisip ko na baka ito na nga iyong katapusan niya. Isinuko ko ang lahat sa Panginoon."

Para kay Ramos, malinaw na malinaw na magkakaroon ng stand-off ­ wala munang kikilos: "Kung gaano katagal, hindi ko alam. Ang alam ko lang ay importanteng gamitin namin ang puwersa ng mga tao na gumigitna sa amin at sa puwersa ni Marcos. Ito rin ang puwersang ginamit ni Cory Aquino noong snap elections at pagkatapos." Ang non-violent strategy nina Butz at Cory ang tinutukoy ni Ramos ngunit hirap siyang aminin ito. Kung uubra pala ang non-violence, ano pa ang katuturan ng militar?

Abot-abot na kamangha-manghang mga pangyayari ang nagugunita ni Joaquin G. Bernas, ang paring Hesuwita na tagapayo ni Cory. "Noong nabalitaan ko ang pag-aalsa, ang una kong reaksiyon ay hayaang magsagupaan ang mga sundalo. Malinaw na hindi tatagal ang puwersang rebelde sa sandatahang lakas ng diktador. Pero tumagal ito. Sa loob ng isang oras, napuno ng tao ang EDSA. Pakiramdam ko ay nakikialam ang Maykapal. Ang daming kandilang umaapoy at mga imaheng banal. Kahit lumalalim na ang gabi, walang nagpapakita ng takot."

Sa halip na mabawasan ay tila lalong dumami ang mga tao sa EDSA, ang tantiya'y isang daang libo (100,000) halos ang nandoon. Isang dahilan: napakaganda ng gabi. Kabilugan ang buwan kaya iba ang liwanag nito at ningning; maaari ka ngang magbasa. Malamig at masigla ang hangin, kaysarap langhapin. Walang sino mang nagmamalaki o nagpapakabayani sa lugar na ito na pinagbabantaan. Sumusunod lamang sa nakatataas na Awtoridad ang mga pari at madre at ibang madasalin. Ang iba naman ay anti-Marcos, at ang kabataan ay nagkakatuwaan lang.

Samantala, sa may ilog Pasig sa Malakanyang, may ikinakargang tatlong daang (300) mabibigat na crate sa isang lantsa. Bibiyahe ang ginto ni Yamashita. Ito ang dahilan, ayon sa isang investigative reporter, kung bakit walang salakay na naganap sa EDSA.
 

CONTENTS 
Panimula
Introduction
Sabado
NEXT: Linggo

Lunes
Martes
Huling Hirit
Ang Pagtatakip sa Edsa