Hanggang ngayon, labing-dalawang taon na ang nakakaraan, maraming Katoliko ang nahihiwagaan pa rin sa himagsikang EDSA, hulog daw ito ng langit. Marami-rami rin ang nagbabale-wala nito, pakulo lang daw ng imperyalistang Amerika. Hindi padadaig ang rebeldeng militar; kung hindi raw sa kanila, walang EDSA. Ano't ano man, minamaliit ang papel na ginampanan ng taong-bayan sa pagpapatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos.


Ang totoo, hindi hulog ng langit ang EDSA. Bawat pangyayari noong apat na araw na iyon ay may matuwid na paliwanag, nailihim nga lamang sa taong-bayan. Walang himala. Walang tubig na naging alak, walang piláy na naglakad o nakakitang bulag, walang Marian apparition o dancing sun. Ang mayroon lang ay milyon-milyong tao na nangahas kumilos nang walang armas laban sa militar ni Marcos at di-sinasadyang natuklasan ang kamangha-manghang puwersa nila kapag nagkakaisa. Walang himala. Abot-kaya talaga ng tao na ibagsak ang diktador.

Hindi rin utang ng taong-bayan ang EDSA kina Juan Ponce Enrile, Fidel Ramos, at Gregorio Honasan. Kung hindi nag-alsa ang rebeldeng militar, tuloy-tuloy pa rin tiyak ang boycott campaign ni Cory Aquino na umaarangkada na noon, pati sa Visayas at Mindanao. Kung hindi kumilos ang rebeldeng militar, walang duda na lalong namayagpag ang boykot, na malamáng ay nag-climax sa inagurasyon ni Marcos, at nagkaroon pa rin ng rebolusyon. Naiba lang marahil ang lugar at mga pangunahing aktor. Mga kapitalista malamáng ang nagpasimuno upang iligtas ang mga negosyo nila, at sumunod malamáng ang rebeldeng militar; sumiklab din tiyak ang mga tao, nagkaroon din ng People Power, at napatalsik din ang diktador. Ang totoo, utang nina Ramos, Enrile, at Honasan ang mga buhay nila't matataas na puwesto sa EDSA. Hindi lang sila iniligtas ng taong-bayan sa militar ni Marcos, inilakad din sila ng taong-bayan kay Cory.

Lalong hindi pakulo ng Amerika ang EDSA. Tinangka ni US President Ronald Reagan (sa pamamagitan ni Philip Habib) na pagkasunduin si Marcos at si Cory ngunit hindi umubra ang mga gimik niya. Maaaring nakialam ang mga kapitalistang Amerikano (na kasosyo ni Marcos at ng mga crony sa negosyo) kung sinuportahan nila ang pag-aalsa nina Enrile at Ramos, ngunit tulad ng pagbulong ng Central Intelligence Agency (CIA) ng intelligence reports sa mga rebelde noong EDSA, hindi ang mga ito ang nagpakilos sa taong-bayan. Ikatlong araw na ng himagsikan ­ nakapagpakitang-gilas na ang People Power, bumigay na si Enrile kay Cory, pa-exit na talaga si Marcos ­ nang unang nakialam nang puspusan ang US Embassy, at upang alukin lamang ang tropang Marcos ng sasakyan at security paalis sa Palasyo. Pinadali lang ng mga Kano ang pag-eskapo ni Marcos. Kung hindi sila nakialam at si Marcos ay nakarating sa Paoay, maaari ngang tumagal pa ang himagsikan, pero malay natin, maaari ring nadakip at nabihag si Marcos (kung hindi ng rebeldeng militar, ng puwersa ng taong-bayan) at naiharap sa isang rebolusyonaryong hukuman. Kung hindi umeksena ang mga Kano, naganap pa rin ang EDSA, at baka mas maganda at mas makatarungan ang kinálabasán.

Ang totoo, kung hindi sa People Power, walang EDSA. At kung hindi sa mag-asawang Marcos, na diumano'y nagpakulong at nagpapatay kay dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino, walang People Power. Sa kahulihan, ang kuwento ng EDSA ay sukdulang yugto ng tagisan nina Marcos at Ninoy na hindi naawat, bagkos ay pinag-ibayo, ng rehimeng militar. At kuwento rin ito ng isang maikli ngunit dakilang yugto sa pakikibaka ng masang Pilipino na naging huwaran para sa mundo ngunit naging hungkag na tagumpay sa sariling bayan. Hungkag sapagkat tulad ng Himagsikan ng 1896, hindi masang Pilipino ang nakinabang sa himagsikang EDSA kundi burgis lamang. Dakila sapagkat marami pang maaaring ipagbunga ang drama ng EDSA at kung ating pagpupulutan ng aral, baka sa susunod na pagkakataon, taong-bayan na ang makikinabang.

Nagsimula ang kuwento ng rebolusyong EDSA hindi noong Pebrero 1986 nang nag-alsa ang rebeldeng militar kundi noong Septyembre 1972 nang ideklara ni Marcos ang batas militar sa buong kapuluan. 'Di tulad sa French Revolution kung saan ang "Reign of Terror" ay naganap lamang noong panalo na ang mga tao at hawak na ng mga rebolusyonista ang gobyerno, sa EDSA ay nauna ang "Paghahari ng Kilabot" ­ halos labing-apat na madudugo't masasalimuot na taon ­ na siyang unti-unting gumalit at nagpakilos sa taong-bayan. Noong panahong iyon nakulong, pinakawalan, at pinatay si Ninoy. Noon din unang nagtagpo ang mga landas nina Cory at Enrile. Noon unang nagkásirâ sina Marcos at Enrile. At noon unang nag-bonding sina Enrile at Ramos kontra kina Marcos at Fabian Ver. Makakabuting pasakalyehan muna natin ang naging daloy ng mga pangyayari noong malagim at madilim na panahong iyon upang ganap na maliwanagan pagdating sa EDSA.

 

REHIMENG MARCOS
(1965-1986)


|May nagsasabi na 1965 pa lang ­ kahahalal si Marcos bilang Presidente ­ nang simulang paghandaan ni Marcos ang pagpataw ng batas militar. In-appoint ang sarili na Secretary of National Defense, pinagkagastusan at pinakapal ang hanay ng hukbong militar, pinapag-aral ang mga sundalo't opisyal tungkol sa civilian affairs at ikinatulong sa mga socio-economic program ng kanyang pamahalaan.

May nagsasabi naman na 1967 pa, noong nahalal sa Senado ang popular na pulitikong si Ninoy Aquino, niño bonito ng alta sociedad na umiisnab sa asawa ni Marcos na si Imelda Romualdez. Kauupo lang sa Senado ay binanatan na agad ni Ninoy ang Presidente ­ balak daw ni Marcos na gawing "garrison state" ang Pilipinas. Halatang minamata rin ni Ninoy ang Malakanyang at tila nahamon daw si Marcos na biguin si Ninoy.

Pero may nagsasabi rin na 1969 na, noong nahalal muling Presidente si Marcos (kauna-unahan sa kasaysayan ng republika) ngunit ginegyera naman ang gobyerno niya ng dalawang armadong pangkat na rebolusyonista ­ sa Luzon, ng New People's Army (NPA), hukbong armado ng Communist Party of the Philippines (CPP) ni Jose Ma. Sison na hangad mapalaya ang bayan sa kolonyalismo, pyudalismo, at kapitalismo; at sa Mindanao, ng Moro National Liberation Front (MNLF) ni Nur Misuari na hangad mapalaya ang Muslim Mindanao sa Kristiyanong Pilipinas. Sa Maynila, nagsiklab noong Enero 1970 ang First Quarter Storm, sunod-sunod na madudugong protesta ng mga militanteng estudyante, manggagawa, at magsasaka sa mga patakaran ni Marcos. Agosto 1971 dalawang granada ang sumabog sa Plaza Miranda habang nagra-rally ang oposisyon; lubhang nasugatan sina Senador Gerardo Roxas at Jovito Salonga. Sinisi ni Marcos ang mga komunista at sinuspénd ang writ of habeas corpus ­ kahit sino ay puwedeng damputin ng militar; di na kailangang patunayan sa husgado na may krimen na naganap. Pinagbintangan din ni Marcos si Aquino ng pag-aarmas sa NPA.

Ano't ano man, maliwanag na hindi biglaan ang pagdeklara ni Marcos ng batas militar noong 1972 kundi matagal at masusi niya itong pinaghandaan; nakuha pa nga niyang magpa-draft sa 1971 Constitutional Convention ng bagong Saligang Batas na parliamentary ang sistema ng gobyerno at pinapayagan siyang kumandidato pa uli at maupong Presidente habang-buhay.

Ika-21 ng Septyembre 1972 nang pirmahan ni Marcos ang Proclamation 1081 na nagbigay sa kanya ng kapangyarihang isailalim ang buong kapuluan sa batas militar upang ang bansa ay hindi mapasakamay ng mga subersibo't rebelde. Pero hindi niya agad ipinatupad ang 1081, marahil sapagka't tahimik noon ang Maynila at mahirap mapaniwala ang publiko na mayroong state of emergency. Kinailangan pang mag-drama ni Marcos at naganap ito kinabukasan, ika-22 ng gabi, nang in-ambush diumano at tinatadtad ng bala ang sasakyan ng kanyang Defense Minister na si Juan Ponce Enrile. Mabuti na lang daw at nagkátaóng sa ibang kotse nakasakay si Enrile, kanang-kamay niya na nag-draft ng 1081. Oras na nabalita ang ambush noong gabi ring iyon sa government TV Channel 4, natanggap ni Enrile ang go-signal ni Marcos. Ora mismo, kumilos ang militar.
Isinara lahat ng himpilan ng diyaryo, radyo, at telebisyon, sabay dakip sa pinakamatitinding kaaway ni Marcos sa pulitika at media. Number one sa listahan si Ninoy. Kasasabi ng Senador sa isang interbyu ng Daily Express (peryodiko ni Marcos) na kung magdedeklara ng batas militar si Marcos, dapat ay dakpin siya agad sapagkat kung hindi, mahirap na siyang mahuli; hindi lang malinaw kung saan binalak tumakbo ni Ninoy kung sakali ­ sa Amerika o sa bundok. Nasa Manila Hilton siya noong gabing iyon, sa meeting ng isang legislative committee. Sunod-sunod ang tawag sa telepono ng mga kaibigan niya sa loob at labas ng kampo ni Marcos, binabalaan siya, binibigyan ng pagkakataong makatakas. Hindi tumakbo si Ninoy. Nang dakpin ng mga sundalo, kalilipas ng hatinggabi, tahimik siyang sumama sa Camp Crame, sa headquarters ni General Fidel Ramos, hepe ng Philippine Constabulary (PC), na siyang nangasiwa sa pagdakip sa unang 400 (sa listahan ng mahigit 5,000) na mga pulitiko, aktibista, at peryodista na mga subersibo raw.

Akala ni Ninoy, mag-aalma ang taong-bayan, hindi papayag sa curfew, pagsara sa Konggreso, at pagbusal sa media. Akala niya, maglalabasan ang mga tao sa kalye at magpo-protesta upang mapabalik agad ang demokrasya at mapalaya siya sa kulungan. Subalit nakakulong, tulad niya, halos lahat ng aktibista't oposisyonista na dating laman ng mga kalye. Kung may nakalusot man sa lambat ng militar, namundok na, sumama na sa NPA, o nasa Amerika na. Ang mga naiwan ay nagsawalang-kibo. Sa isang bandá, dalá ng takot sa diktador at sa abusadong militar; sa kabilang bandá, dalá ng matinik na propaganda machine ni Marcos na napaniwala ang madla sa pangako ng Bagong Lipunan, lalo na sa pangakong land reform.

Umasa ang bayan na magpapakabayani si Marcos at tototohanin ang pangako niyang demokratikong reporma. Umasa ang bayan na gagamitin ni Marcos ang pagkakataon na magsimula muli, sugpuin ang graft and corruption, kumalas sa dominasyon ng Amerika, isaayos ang ekonomiya, at paigihin ang kabuhayan ng dumaraming mahihirap. Kayang-kaya niyang gawin noon kahit anong gusto niya ­ mga batas na sulat niya ang nasusunod; mga tao niya ang nakaupo sa matataas ng posisyon sa militar at sa hukuman; may krebilidad ang mga intelektuwal at kulturado na propagandista niya't tagapagsalita; abot hanggang baranggay ang political machinery niya; pati mga Kano ay nakaalalay sa kanya alang-alang sa pananatili ng US military bases sa Pampanga at Olongapo. Kayang-kaya ni Marcos noon na baguhin, baligtarin, gawing makatarungan ang kaayusang pang-ekonomiya ng bayan. Ngunit sinamang-palad ang Pilipinas.

Sa halip na magpakabayani ay nagpakabalasubas si Marcos. Ipinagpatuloy lang niya ang nakasalang nang sistemang pang-ekonomiya na nakasandal sa Amerika at sa dayuhang kapital, kahit malinaw na ito mismo ang ugat ng paghihirap ng bayan. Patuloy niyang pinabayaan ang agrikultura kahit ito ang ikinabubuhay ng nakararaming Pilipino. Tinutukan nga niya ang pagpapatayo ng mga industriya, ngunit mga import-dependent at export-oriented naman. Naniwala siya sa pangako ng International Monetary Fund (IMF) at ng economic technocrats sa Cabinet na magti-trickle down ang mga benepisyo ng industriyalisasyon sa kanayunan, lahat ay makikinabang, malulutas ang problema ng karalitaan.

Natukso rin siya ng limpak-limpak na salaping alok na pautang ng mga dayuhang bangko (na nalulunod sa oil money ng mga Arabo) pampondo sa development projects. Milyon-milyong dolyares ang pumasok sa mga bangko at gobyerno. Jackpot ang mga kamag-anak at kaibigan ng mag-asawang Marcos na nakapuwesto sa pinakamalalaking ahensiya at korporasyon, pribado at publiko, na may kinalaman sa salapi at kalakalan, buwis, sugal, pautang, at lisensiya. Kabig dito, kabig doon ng kickback at komisyon. Kupit dito, kupit doon ng pangsustento sa "edifice complex" at iba pang mga luho ni Imelda. Samantala, bahagya nang naipatupad ang reporma sa rice and corn lands.

Enero ng 1973 pina-ratify kunó ni Marcos sa citizens' assemblies ang bagong Saligang Batas. Abril 1973, nagkaisa sa payong ng komunistang National Democratic Front ang mga grupong militante, pink at pula, na sinimulan na uli ang pagkontra kay Marcos. Samantala, biglang nawala si Ninoy sa kinapipiitan niya sa Fort Bonifacio, inilipat kung saan nang walang pasabi kay Cory. Nasariwa sa international news ang patuloy na paglabag ng rehimeng Marcos sa human rights ng political detainees tulad ni Ninoy. 'Di nagtagal ibinalik si Ninoy sa Fort Bonifacio galing Fort Magsaysay sa Laur, Nueva Ecija. Isang buwan ng solitary confinement, hubo't hubad sa isang kuwartong maliit na parating may ilaw, ang tiniis ni Ninoy; mabuti't hindi siya nasiraan ng loob at bait.

Agosto 1973, iniharap si Ninoy sa military tribunal sa mga salang pagtataksil sa pamahalaan at pakikipagtulungan sa CPP/NPA, pakikipagsabwatan kay NPA kumander Bernabe "Ka Dante" Buscayno sa isang patayan noong 1957, at ilegal na pag-aari ng armas. Nagprotesta si Aquino; ang turing niya sa paglilitis ay "unconscionable mockery of justice." Aniya, matagal na siyang hinusgahan ni Marcos at imposibleng maiba pa ang hatol ng korte militar. Kung lalahok siya sa paglilitis, parang bumigay na rin siya kay Marcos, parang tinanggap na rin niya ang awtoridad ng militar.

Sa kanyang talumpati sa military tribunal, sinabi ni Aquino na mas gugustuhin niyang "mamatay na naninindigan kaysa mabuhay na tiklop-tuhod" sa rehimen. Palakpakan ang mga taong nakapanood. Na-suspend ang paglilitis nang isang taon at kalahati. Unti-unting gumaan ang security kay Ninoy; pumayag ang jailer niyang si Enrile na mas madalas ang bisita kay Ninoy ni Cory at ng mga anak nila't kaibigan. Tape-recorded palang lahat ang dalaw sa bilanggo at nabisto diumano ni Enrile na may sariling intelligence network si Ninoy sa hanay mismo ng militar na patuloy na nagre-report sa kanya. Nabalitaan agad ni Ninoy, halimbawa, ang pag-raid ng military sa isang kumbento, ang paninitiktik nina Ver at Imelda kay Enrile, gayon din ang pag-landing ng armas sa Mindanao galing sa isang bansang Arabo para sa MNLF.

Noong Pebrero 1975, naiskandalo ang mundo nang tumakbo at nag-defect sa America si Primitivo Mijares, news censor at kaututang-dila ni Marcos. Hulyo, tumestigo si Mijares sa US Congress tungkol sa kalunos-lunos na kalagayan ng bayang Pilipinas sa kamay ng conjugal dictatorship at crony capitalists. Ngunit patay-malisya ang mga Kano. Kahit alam nilang eksaherado ang ulat ni Marcos tungkol sa bantang komunista (balita'y kulang-kulang na 1,500 lamang ang kadre ng NPA noong 1972) buong-buo ang suporta ng mga Kano sa diktador.

Ika-31 ng Marso 1975 nang ipagpatuloy ng military tribunal ang paglilitis kay Ninoy. Bilang protesta sa kalagayan niya at ng bansa, nag-hunger strike ang dating Senador, na hindi agad pinansin ni Marcos. Tuloy ang paglilitis; araw-araw ay sa-pilitang dinadala si Ninoy sa korte. Pagkaraan ng isang buwan, nang itakbo si Ninoy sa Veterans Memorial Hospital, mga 40 lbs. ang nabawas sa timbang niya. Tila handa nang maging gulay o mamatay si Ninoy, suko na siya kay Marcos, ngunit dahil sa mga pakiusap ng kanyang asawa, ina, at father confessor, nakipagkompromiso si Ninoy sa Panginoon. Kung masu-survive niya ang 40 araw ng pag-aayuno, ituturing niya itong senyas na hindi pa niya oras, hindi pa siya tapos, may drama pa siyang gagampanan.

Taong 1976 nang umpisang malasin ang kilusang komunista: nadakip si Ka Dante. Noong 1977, si Sison naman. Gayunman, hindi nawalan ng buhay ang kilusan, paano'y pahirap nang pahirap ang buhay. Sa kanayunan, patuloy ang paghahari ng mga kapitalista't panginoong maylupa at sobra ang pang-aabuso ng militar, pati sa mga pari't madre at iba pang church and social workers. Diumano'y batid ni Marcos na may problema siya sa militar, ngunit nang tangkain niyang magpatalsik ng mga elementong 'di kanais-nais, nag-alma daw at nagbantang magbitiw nang sabay-sabay ang mga heneral na kakampí ni Enrile; tila may tatamaang junior officers na mga batà ng Defense Minister. Maaaring noon nagsimula ang paghihiwalay ng landas nina Enrile at Marcos, gayon din ng pag-asenso at pagsikat ni Fabian Ver, Chief ng Presidential Security, na pinsan at kababayan ng diktador. Subok ni Marcos ang katapatan ni Ver, na PC captain nang na-assign sa security force niya sa Senado noong 1963. Sa pamumuno ni Ver, lumaki nang katakot-takot ang dating Presidential Security Unit; naging Battalion, at pagkatapos, Command (PSC). Si Ver din ang director-general ng National Intelligence and Security Authority (NISA) na hawak lahat ng intelligence at security units ng rehimen. Walang limit ang kapangyarihan ng NISA na dakpin at ikulong at pahirapan o patayin kahit sinumang mapaghinalaan ng militar na subersibo o kaaway, alang-alang sa "national security."

Samantala, hindi pa rin maawat si Imelda sa pagpapatayo ng mararangyang bahay at gusali, sa pagho-host ng kung ano-anong magagarbong international event, at sa pag-e-entertain ng kung sino-sinong international figure. Panay na panay pa rin ang biyahe niya, 'di lang para mag-shopping, kundi para umeksena bilang ambassador ni Marcos sa mga bansang komunista at makipagsosyalan kina Fidel Castro at Mao Tse Tung (pinapakaba kunó ang mga Kano). Hunyo 1975 nang pinirmahan ni Marcos ang Presidential Decree No. 731, na nagsasabing kung mamamatay o mararatay siya, ang papalit sa kanya ay isang komisyon na pangungunahan ni Imelda. Sinundan niya ito ng mga decree na naglikha sa Metropolitan Manila at nag-appoint kay Imelda na gobernadora.

Noong Oktubre 1976, pinatunayan ni Marcos sa pamamagitan ng referendum na sinusuportahan pa rin siya ng taong-bayan. Ni-ratify diumano ng nobenta porsyento (90%) ng mga botante ang mga bago niyang amendment (P.D. 1033) sa Saligang Batas. Ayon sa Amendments 2 at 5, kahit may law-making powers ang itatatag na Interim Batasang Pambansa, may legislative powers pa rin si Marcos hangga't umiiral ang batas militar. Ayon naman sa Amendment 6, kahit wakasan niya ang batas militar, hawak pa rin ni Marcos lahat ng kapangyarihang hawak na niya, kabilang ang pag-overrule sa Batasan kung sa tingin niya'y nararapat. Sa madaling salita, one-man rule pa rin.

Nobyembre 1976 nang nahalal na Presidente ng Estados Unidos si Jimmy Carter, isang human-rights advocate. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakiusap ang White House na pakawalan na ni Marcos si Ninoy at payagan itong mag-retire sa Amerika. Inisnab nina Marcos at Imelda ang pakiusap, baka lang daw gawing bayani ni Carter si Ninoy. Disyembre, naka-score na naman si Imelda. Napakiusapan niyang gumitna si Muammar al Qaddafi sa giyera ng rehimeng Marcos at ng MNLF sa Mindanao (balita'y 50,000 sibilyang Muslim na ang napapatay) at napirmahan sa Libya ang Tripoli Agreement na nangako ng awtonomiya sa 13 probinsiyang Muslim sa Mindanao, Sulu, at Palawan. Samantala, patuloy ang paniniil ng rehimen sa mga alagad ng simbahan. Nobyembre't Disyembre sa Davao, mahigit 70 church workers ang naaresto at dalawang Catholic radio station ang isinara; sa Maynila dalawang religious publication ang pinadlock at dalawang pareng Kano na nagso-social work sa isang squatter area ang pinadeport. Kahit anong paliwanag ni Jaime Cardinal Sin at ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi kinakampihan ng simbahan ang mga komunista ­ tumutulong lang ang simbahan sa mga taong api ­ parang walang narinig si Marcos.

Noong 1977 tinangkang ituloy ng militar ang paglilitis kay Ninoy, kahit hinihintay pa ang hatol ng Korte Suprema sa petisyon na sa civilian court siya iharap. Ika-21 ng Hunyo, sinundo siya ng helicopter at dinala kay Marcos sa Malakanyang. Nagchikahan daw ang fraternity brods na parang magkaibigan. Halos aminin daw ni Ninoy na kung siya man ay nalagay sa lugar ni Marcos, gagawin din niya ang ginawa ni Marcos sa kanya. Nakiusap uli si Ninoy na sa civilian court siya litisin. Tanong ni Marcos, "Kung mako-convict ka, hihingi ka ba ng tawad?" Sagot ni Ninoy, "Hindi, wala akong kasalanan." Tuloy ang paglilitis. Ika-25 ng Nobyembre, nahatulang mamatay sa pamamagitan ng firing squad sina Ninoy at Ka Dante sa mga salang paghihimagsik, pagpatay, at ilegál na pag-aari ng armas. Nagprotesta ang buong mundo. Umatras si Marcos, pinare-open ang trial, at pinayagan si Ninoy na i-appeal ang kaso niya sa Korte Suprema. Sa Mindanao, muling sumiklab ang labanan ng AFP at MNLF nang atrasan din ni Marcos ang Tripoli Agreement: dalawang probinsiya lang ang pinabigyan niya ng awtonomiya.

Ika-6 ng Abril 1978 nang unang nagparamdam ang puwersa ng taong-bayan na nauwi sa People Power. May halalan kinabukasan para sa mga mambabatas na uupo sa Interim Batasang Pambansa. Dahil nagda-drama si Marcos sa international human-rights advocates na naibalik na ang kalayaan ng mga Pilipino, pinayagan niya na tumakbong mambabatas sa Kalakhang Maynila si Ninoy (na may bagong partido, Lakas ng Bayan, o LABAN), katapat ni Imelda na kandidato ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Marcos. Pinayagan din ni Marcos na lumabas si Ninoy sa TV nang isang beses para sagutin ang bintang ni Enrile na ahente siya ng mga komunista at gayon din ng CIA.

Mahigit limang taon nang nakakulong noon ang dating Senador, bagay na nagpahanga sa maraming Pilipino na kontra rin sa diktadurya ngunit kulang sa tapang at tibay. Natauhan sila (nagising sa pagkagupiling, 'ika nga) nang sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita nila kung gaano ang ipinayat ng dating malusog na Ninoy. Gayunman, tila lalong tumalas ang kanyang dilang matabil ­ madali niyang nakumbinsi ang madla na puro kasinungalingan ang mga bintang ni Enrile ­ at tila lalo pang nag-alab ang kanyang diwang makabayan. Nabuhayan ng loob ang lihim niyang mga tagahanga.

Dahil nakakulong pa rin, pinaubaya ni Ninoy ang kampanya sa asawang si Cory Cojuangco at sa bunso nilang si Kris na pitong taong gulang. Ang iyak ni Kris sa mga rally: Tulungan niyong makauwi ang Daddy ko! Nakakabingi ang naging sagot ng mga tao na patagong nananalig kay Ninoy. Sa lilim ng gabi, alas-siyete ng bisperas ng eleksiyon, naglabasan sila sa mga kalsada at buong tapang na nakipag-noise barrage sa oposisyon. Taas ang mga kamay at naka-L ang mga daliri, "Laban!" ang sigaw nila. Kalampagan ng mga kawali, kaldero, sandok at palanggana, paingayan ng mga busina at silbato, telembangan ang mga kampana, taghuyan ang mga sirena, bahala na kung biglang dumating ang militar at pagdadamputin sila. May ilang oras na umalingawngaw ang ingay, ang gulat tiyak ni Marcos sa Malakanyang, ang sayá tiyak ni Ninoy sa piitan. Si Imelda, naturál, ang nanalo sa Kalakhang Maynila. Pero si Ninoy at ang marami niyang tagahanga ay nagkaunawaan na, na hindi sila nag-iisa, hindi nagkakalimutan, sabik na makalaya, at handang lumaban. Gayunman, limang taon pa ang dumaan bago lumantad ang mga taong nag-noise barrage sa dilim.

Tulad ni Imelda sa Metro Manila, tumakbo at nanalo si Enrile sa Cagayan. Nagsuspetsa si Ver na ngayong may political base na si Enrile, nagbabalak itong tapatan si Marcos sa halalan sa darating na taon. Tila napaniwala ni Ver si Marcos. Hindi nagtagal, kinukuwestiyon na ni Marcos ang mga desisyon ni Enrile sa mga isyung militar hanggang sa tanggalan niya ito ng kapangyarihan at pamanmanan nang todo kay Ver. Samantala, patuloy ang asenso ng Gobernadora ng Metro Manila. Matapos mahalal na Mambabatas, o Member of Parliament (MP), in-appoint ni Marcos ang asawa na Minister of Human Settlements. Pebrero 1979 nang ihirang naman siyang chairperson ng Cabinet Committee na kokontrol sa economic and social development ng Pilipinas sa pamamagitan ng BLISS (Bagong Lipunan Site and Services) Program. Tutugunan daw ng BLISS ang labing-isang pangangailangan ng tao: tubig, koryente, damit, hanapbuhay, kalusugan, edukasyon, kultura, teknolohiya, ecological balance, sports and recreation, shelter and mobility.

Ang problema, pahirap nang pahirap ang pag-utang sa mga dayuhang bangko. Mula sa $2.6 billion noong 1975, naging $10.5 billion na ang utang-panlabas o foreign debt. Mabuti na lang at nagkapirmahan ng bagong Bases Agreement noong 1979; tila umubra ang gimik ng mga Marcos na makipagsosyalan si Imelda kina Castro at Mao at pakabahin ang Amerika. Sa kauna-unahang pagkakataon, pumayag ang Amerika na magbayad ng rent, $500 million para sa susunod na limang taon. Mayo ng 1979, nagdiwang ng ika-25 na anibersaryo ang mag-asawang Marcos. Si Cardinal Sin, na "critical collaborator" ang tawag sa sarili, ang nag-officiate sa renewal of marriage vows. Hindi raw bulaklak ang hawak ni Imelda kundi isang rosaryong diyamante na dalawang piye ang haba.

May sakit na noon si Marcos. Septyembre 1979 sinimulan ang pagsailalim niya sa hemodialysis treatment panlaban sa renal dysfunction (sakit sa bato) at hypertension (sakit sa puso). Taong 1980 idinaos ang kauna-unahang halalan para sa mga gobernador at meyor; nagboykot ang Liberal Party at ang LABAN dahil dadayain lang daw sila ng KBL. Noong Mayo, inatake sa puso si Ninoy at nangailangan ng heart surgery. Napilitan si Marcos na payagan itong magpa-opera sa Amerika. Madilim na panahon iyon para sa taong-bayan na nananalig kay Ninoy. Marami ang nawalan ng pag-asa; pakiramdam ay tinakasan sila at pinagtaksilan. Pero iilang buwan ang nakakalipas ay muli silang nabuhayan ng loob. Balita galing Amerika, nagbalik-pulitika na raw si Ninoy, binabanatan na uli si Marcos, si Imelda, at si Ver, at nagpapahiwatig na babalik siya. Ika-4 ng Agosto 1980, sa isang talumpati sa New York, sinabi ni Ninoy sa Asia Society na kung hindi wawakasan ni Marcos ang batas militar, pati siya ay mapipilitang makibaka sa kilusang komunista, na lalong uunlad pati sa mga siyudad. Noon naitanong ni Ninoy, "Nararapat ba na mamatay ang isa para sa bayang Pilipino?" Oo ang sagot niya, noon pa lang. Ngunit nahalal na Presidente noong Nobyembre si Ronald Reagan, na kakampi ng mag-asawang Marcos. Natahimik si Ninoy at iba pang mga oposisyonista na nasa Amerika. Dito sa atin, lalo pang lumakas ang loob at ang kapangyarihan ni Ver. Na-promote na koronel ang panganay niyang si Irwin, nilakdawan ang maraming junior officer na next-in-line.
Taong 1981 nabulabog ang AFP. Hindi dahil tinapos kunó ni Marcos ang batas militar para sa dalaw ni Pope John Paul II noong Enero, kundi dahil nahalal na namang Presidente si Marcos noong Hunyo at binalasa niya ang hanay ng opisyales ng militar. Matapos i-retire si General Romeo Espino, in-appoint ni Marcos si Ver, at hindi si Ramos na next-in-line, bilang AFP chief of staff. Nainsulto at nakiramay kay Ramos ang maraming opisyal ng AFP na alumni ng Philippine Military Academy (PMA); pakiramdam nila'y walang karapatan si Ver na ROTC lang daw ang natapos, samantalang si Ramos ay tapos sa West Point Academy sa Amerika. Hindi nagtagal, nakatanggap daw ng report si Enrile na pinagbabantaan ni Ver ang buhay niya. Bunga nito, lihim na nagkaisa ang security forces nina Enrile at Ramos at bumuo ng isang kilusang ikarereporma ng hukbong sandatahan, o Reform the Armed Forces Movement (RAM), pakana nina Lieutenant Colonels Gregorio "Gringo" Honasan at Eduardo Kapunan (mga batà ni Enrile) at Vic Batac (batà ni Ramos) na magkakaklase sa PMA. Sinimulan nina Honasan ang pag-iimbak ng armas at pagpaparami ng miyembro. Alam nilang mabangis ang kaaway, at mabigat ang back-up ni Ver ­ ang US Pentagon at CIA mismo ang nag-upgrade sa telecommunications system ng NISA. Hulyo 1981, sinuwerte na naman si Imelda, na-appoint na Secretary-General ng Kilusang Kabuhayan at Kaunlaran, o KKK, isa pang programang pang-ekonomiya na walang ipinag-iba sa kasisimulang BLISS Program. Sa kabundukan, may sampung libo (10,000) na raw ang gerilya ng NPA.
 
Para sa mga Kano, maganda ang pasok ng 1981. Kahit patuloy ang pamumuno ni Marcos by decree at ang paniniil ng rehimen, at kahit wala pa ring kalayaan sa pamamahayag at lutong-makaw ang mga halalan, naniwala si Reagan sa patalastas ni Marcos na tapos na ang batas militar at tuwang-tuwa nang nahalal na namang Presidente si Marcos. Pinadalo pa ni Reagan si George Bush, US Vice-President, sa inagurasyon ni Marcos noong Hulyo. (Noon sinabi ni Bush na labis na nagagalak ang Amerika sa katapatan ni Marcos sa mga prinsipyo ng demokrasya, na ikinalaglag ng panga at ikinangitngit ng maraming Pilipino.) At dahil matagal nang nagpaparamdam si Marcos sa US state department, pormal na inaanyayahan ni Reagan ang mag-asawa na mag-state visit sa Amerika, all expenses paid.  


Tamang-tama naman, patong-patong ang problema ng mag-asawa sa pera. Nasa $16 billion na ang utang-panlabas ng Pilipinas noon at, ayon sa isang World Bank report na na-leak sa press noong Hulyo 1982, ayaw na raw magpautang ng maraming bangko sa gobyernong Marcos. Hindi naman daw kasi nagagamit ang pera sa mga programang pang-ekonomiya kundi para isalba lamang ang mga naluluging bangko at negosyo ng rehimen. Minabuti ni Marcos na samantalahin ang state visit at dumaan sa New York upang manligaw ng foreign investors. Pero bago umalis ng Pilipinas, pinaramdam niya uli ang bigat ng kanyang kamay sa mga kaaway ng rehimen. Pinaaresto niya ang tatlong labor leader at ilang "government agitator" na nagbabantang magwelga; sumbong niya sa publiko, ang mga ito'y mga komunista na nais maghasik ng lagim at patumbahin ang kanyang pamahalaan. Agosto pinaaprub niya sa Batasan ang isang batas tungkol sa 15-member Executive Committee na papalit sa kanya kung mamamatay siya o magiging gulay. Iginiit niya ang membership ni Imelda sa nasabing komite.

Noong Septyembre 1981 sa Washington, D.C., naiskandalo ang mga Kano sa 700 tropang kasama ng mag-asawang Marcos ­ may 100 na peryodistang pro-Marcos, 100 na security force, may mga doktor, hairdresser, matatalik na kaibigan, mga negosyante't industriyalista, at sangkatutak na opisyal at tauhan ng gobyerno. Mainit ang pagtanggap ng mag-asawang Reagan sa mga Marcos, lalo na't ibig tiyakin ng White House na mae-extend ang Bases Agreement nang lima pang taon, mula 1984 hanggang 1989. Ngunit malamig ang pagtanggap sa kanila ng American press na kinulit si Marcos tungkol sa press censorship at sa mga kuwentong terorismo, torture, at iba pang human-rights abuses ng kanyang rehimen na kabubulgar ng Amnesty International. Tangging-tanggi si Marcos ­ wala raw nangyayaring ganoon sa Pilipinas ­ ngunit binalik-balikan ito ng press, na hindi makapaniwalang harap-harapang nagsisinungaling si Marcos. Sa New York, palabán at mayabang ang datíng ni Marcos at ng kanyang economic advisers na pinamunuan ni Prime Minister Cesar Virata. Napaniwala nila ang mga dayuhang kapitalista na matatag ang ekonomiya ng Pilipinas, kayang bayaran ng gobyernong Marcos ang mga utang-panlabas nito, kikita tiyak ang puhunan na ipapasok ng mga foreign investor, at mailalabas nila ang profits nila sa Pilipinas nang walang balakid.

Habang nasa New York, sinamantala rin ni Marcos ang pagkakataon na magpatingin sa kidney specialists ng Walter Reed Hospital. Pinagkakatagong lihim ang sakit ng Presidente, lupus erythematosus kung tawagin. Hindi ito delikado, walang maikling taning ang buhay niya, pero nakakapanghina at kailangan niya ng regular dialysis treatment. Sinasabing itinago ni Marcos ang kondisyon niya upang 'di maging isyu kung sinong papalit sa kanya kung sakali. Sa pag-appoint niya kay Imelda sa Executive Committee, malinaw na inasahan niyang patuloy na maghahari ang pamilyang Marcos ­ pagkatapos ni Imelda, si Bongbong naman ­ na susuportahan ni Ver. Bagay na ikinaligalig ni Enrile, gayon din ni Ninoy. Ang balita ni Enrile ay balak isantabi ni Ver si Imelda pagkaraan ng kaunting panahon. Pangamba ni Ninoy, baka magkagulo at matabunan ng mga komunista ang oposisyon. Nagbalak umuwi si Ninoy. Pero dahil sa kadaldalan niya, nakarating agad ang balita sa Malakanyang at nataranta ang mag-asawang Marcos. Sangkatutak na nga ang hinaharap nilang problema sa ekonomiya (kapos na sila sa pera), sa oposisyon (tumatapang na ang middle-class), sa alternative media (nag-iingay na ang mga aktibistang peryodista), at sa kanyang kidney (naghahanap na ng kapalit), heto't dagdag pang problema si Ninoy. Kung uuwi ito, tiyak na magugulo ang status quo, o ang naghaharing kaayusan, tiyak na lálakás ang oposisyon at malalagay sa alanganin ang rehimeng Marcos.

Sa New York noong Mayo 1983 nakiusap si Imelda kay Ninoy na ipagpaliban ang pag-uwi sapagkat may banta daw sa buhay nito. Ngunit malakas ang kutob ni Ninoy na malubha ang sakit ni Marcos, at kung hindi siya kikilos, maaaring maiwan siya ng biyahe. Desidido siyang umuwi, bahala na ang Diyos kung kukunin siya o hindi. At kung hindi, balak niya'y ipagpatuloy ang laban, pero á la Ghandi, sa pamamagitan ng non-violent civil disobedience. Hunyo pa lang ay nagpaalam na si Ninoy sa US Congress.

Hulyo nabalitaan ni Marcos na nagba-battle training sa lalawigan ng Quezon ang security forces nina Enrile at Ramos. Pinatawag niya ang dalawa sa Palasyo at sinitá, ngunit itinanggi ng dalawa ang balita at sabay nag-alok magbitiw, na hindi pinatulan ni Marcos. Bago umalis, binalaan daw ni Enrile ang Presidente; daig pa niya ang bilanggo ng mag-aamang Ver. Pagpasok ng buwan ng Agosto, tinanggal ni Marcos kina Enrile at Ramos at ibinigay kay Ver ang operational control ng Integrated National Police (INP); nawala na si Enrile sa chain-of-command.

Ika-7 ng Agosto sana ang uwi ni Ninoy. Ngunit ilang araw bago noon, nakatanggap siya ng telegrama buhat kay Enrile na kumukumpirma sa banta sa buhay niya at pinapayuhan siyang ipagpaliban ang pag-uwi kahit isang buwan lang. Nakinig naman si Ninoy, nagpaliban nang kalahating buwan. Ika-5 ng Agosto, nabalitang magre-retreat si Marcos nang tatlong linggo para tapusin ang isinusulat niyang libro. Ika-7 ng Agosto, mahigpit ang security sa Maynila ­ 16 battalions ang pinaluwas ni Ver ­ habang sumasailalim sa kidney transplant si Marcos. Ngunit hindi tinanggap ng katawan ni Marcos ang kidney ni Ferdinand Jr. at tinanggal din ito makaraan ng dalawang araw.

Bago umalis ng Boston si Ninoy, sumulat siya ng talumpating bibigkasin pagdating sa Manila International Airport (MIA). Aniya, "Sabi ni Ghandi, sa lahat ng tugon ng Diyos at ng tao sa paniniil, ang pinakamabisa ay ang kusang pagsasakrispisyo ng mga inosente." Tatlong taon na ang nakaraan mula nang sabihin ni Ninoy na karapat-dapat ipagsakripisyo ang bayang Pilipino. Pinatotohanan niya ito noong ika-21 ng Agosto sa tarmac ng MIA. Kainitan ng araw, kalalabas niya sa eroplano, pinapaligiran ng mahigit isang libong militar ni Marcos, nang pataksil siyang barilin at patayin ng isang ex-convict at communist agent daw, na napatay din.

Hindi na nakita ni Ninoy ang mga lasong dilaw na nakatali sa mga poste't puno o nadinig ang "Tie a Yellow Ribbon" na aawitin sana ng libo-libong tagahangang sumalubong sa kanya. Patay na si Ninoy! Mabuhay si Ninoy! Dilaw ang naging kulay ng rebolusyon. Ang Radyo Veritas ng simbahang Katoliko ang naging himpilan ng bayan ­ kaisa-isang istasyong naglakas-loob na ibalita sa bayan ang mga pangyayari. Nalikom ng mga mobile patrol ang mga unang reaksiyon ng publiko: pagkagulat, di-paniniwala, at malaking takot. Palasak ang pananaw na sobra na si Marcos; nilabag niya pati ang unspoken rule ng alta sociedad na walang patayan ng kauri.

Malinaw ang iniwang diwa ni Ninoy ­ ipaglaban ang bayan at mamatay kung kailangan. Naantig ang puso ng taong-bayan, humanga sa tapang at giting ni Ninoy, at nag-alab ang pagpapahalaga sa sarili at pagmamahal sa bayan. Noon din ay kumilos at lumantad ang puwersa ng taong-bayan na nag-noise barrage sa dilim noong 1978. Hindi lang mga kamag-anak at kaibigan ang nakiramay sa pamilya ni Ninoy; hindi lang mga sasakyan ang nagbuhol-buhol ng traffic sa paligid ng bahay sa Times Street kung saan siya unang ibinurol. Daan-daang tao, libo-libo, ang pumila sa kahabaan ng kalsada upang kahit saglit ay masilip ang, at makapagpugay sa, duguang labi ng kanilang bayani. Hanggang sa simbahan ng Sto. Domingo ay dinayo nila si Ninoy. At noong ililibing na ito, buo ang loob na iniwan ng milyon-milyong Pilipino ang kanilang mga tahanan at trabaho upang magmartsa o mag-abang sa mga kalsadang dadaanan ng kanyang karosa, upang taas-kamay at kuyom-palad na awitin ang rebolusyonaryong "Bayan Ko," at isigaw, ipangako, kay Ninoy na hindi siya nag-iisa.

Sa buong mundo, maliban sa mga diyaryo ng pamahalaang Marcos, front page news ang pagpaslang kay Ninoy, gayon din ang pagkahaba-habang prosesyon (may isang milya raw) ng mga taong nag-iiyakan na naghatid kay Ninoy sa huling hantungan. Sa gulo na bunsod ng assassination, lumakas ang loob ng mga peryodistang Pinoy. Naglabas ng special edition tungkol sa patayan sa tarmac at isa pa tungkol sa libing ni Ninoy si Eugenia "Eggie" Apostol, publisher ng sosyal na Mr. & Ms. magazine; daandaang libong kopya ang naibenta sa isang magdamag. Ginawang lingguhan ni Eggie ang special edition series, sadya sa mga Katolikong middle-class na anti-Marcos. Hindi nagtagal at may nagsulputan nang mga peryodikong anti-Marcos din. Hindi nakapalag ang diktador sapagkat pinapanood siya ng buong mundo ­ maugong ang chismis na kaalyado niya ang nag-utos ng assassination. Tuloy, napilitan siyang paimbestigahan ang krimen at ipatukoy kung sino ang dapat masakdal sa salang pagpatay kay Ninoy.

Lalong bumagsak ang ekonomiya. Naniningil ang maraming dayuhang bangko na pinagkakautangan ng gobyerno. Kahit anong dukot sa dollar reserves ng Central Bank (umabot daw ng $1 billion mahigit ang nadukot), kulang pambayad ng bilyon-bilyong utang-panlabas, na ayon daw kay Virata ay $18.1 billion na noong Setyembre, $19.1 billion na makalipas ang dalawang linggo, at $24.6 billion na noong ika-17 ng Oktubre. Samantala, may $500 million o kalahating bilyong dolyares ang lumipad galing Pilipinas patungo sa mga bangko sa Amerika, Hong Kong, at Switzerland ­ senyas na wala nang tiwala ang makukuwartang Pilipino sa rehimeng Marcos. Napilitan si Marcos na pabagsakin ang halaga ng piso; mula _11 naging _14 ang $1. Lalong nag-alma ang mga tao. Maya't maya ay may nagmamartsa at nagpoprotesta, unang-una na ang August Twenty-One Movement, o ATOM, kilusang pinangunahan ni Agapito "Butz" Aquino, nakababatang kapatid ni Ninoy. Tulad ng gagawin sana ni Ninoy, non-violent ang strategy ng ATOM, na sinakyan ng iba pang mga grupong anti-Marcos, pati ng Kaliwa. Maya't maya, may nagra-rally sa mga kalye ng Makati, ang business center ng Metro Manila, kinukulit si Marcos na magbitiw. Maya't maya ay bumabagsak ang halaga ng piso. Pina-cancel tuloy ni Reagan ang balak niyang dalaw sa Pilipinas noong Nobyembre. Disyembre nagsama ang Special Action Force ni Ramos at ang Security Operations Group ni Enrile at sumailalim sa battle training ng British mercenaries.

Noong 1984 napuwersa si Marcos ng International Monetary Fund (IMF) na hayaang lumahok ang oposisyon sa halalan ng Batasang Pambansa sa darating na Mayo. Sinuportahan ni Cory ang mga kandidato ng United Nationalist Democratic Organization (UNIDO) at Pilipino Democratic Party-Lakas ng Bayan (PDP-LABAN). Itinatag ng simbahang Katoliko ang National Citizens Movement for Free Elections (NAMFREL) para magmatyag sa botohan. Balita'y nandaya ang KBL, pero sa 183 upuan na pinagtalunan, nanalo pa rin ng 56 ang mga kandidato ni Cory.

Hulyo 1984, dahil patuloy ang paniniil ng rehimen sa mga pari't madre, social workers, at aktibista, binanatan ni Cardinal Sin si Marcos sa isang pastoral letter na binasa sa lahat ng simbahan sa kapuluan. Iginiit ng Cardinal na dapat bigyan ng amnesty ang political prisoners at wakasan ang bisa ng lahat ng authoritarian decrees na nagbibigay-kapangyarihan kay Marcos, lalo na ang Arrest, Search and Seizure Orders (ASSO) ng militar. Oktubre, matapos ibasura ang teoriya na komunista ang pumatay kay Ninoy, inirekomenda nina Andres Narvasa at iba pang miyembro ng Aquino assassination fact-finding board ang pagsasakdal kay Ver at sa dalawampu't apat na sundalo at isang sibilyan sa salang pagpatay kay Aquino. Nag-leave of absence kunwa si Ver; in-appoint kunó ni Marcos si Ramos na Acting Chief of Staff. Nang inutos ni Ramos ang deployment ng 16 battalions sa kanayunan upang mapigilan ang pagkalat ng NPA, kumontra sina Ver at Imelda; nanatili ang puwersa sa Maynila.

Nobyembre 1984 nang muling nagpa-kidney transplant si Marcos. Maugong ang chismis na naghihingalo na ang Presidente at napalitan na ito ni Ver. Sa kauna-unahang pagkakataon, inamin ni Enrile na ibig niyang maging presidente kung ayaw na ni Marcos. Ang oposisyon naman ay sinimulang pagpulungan ang posibilidad ng biglaang halalan, o snap elections. Noong Disyembre, may pinalabas ang palasyo na litrato ni Marcos, ipinapakita na wala siyang sugat ng operasyon sa tiyan o dibdib; tangging-tanggi pa rin ang Presidente na may sakit siya. Nang ungkatin ni Ramos ang problemang NPA sa kanayunan, pina-deploy ni Marcos ang sampung batalyon sa mga probinsiya subalit ang anim ay pinanatili sa Maynila sa operational control ng PSC. Balita'y may labing-limang libo (15,000) na ang gerilya ng NPA.

Enero 1985 sinimulan ng Sandigan Bayan ang paglilitis kay Ver atbp. Pebrero sinimulang magpakilala ng RAM sa publiko; may kumalat na mimeographed copies ng "Preliminary Statement of Aspirations" ng kilusan na binubuo ng humigit-kumulang 400 mid-level at junior officers ng AFP. Sa homecoming ceremonies ng PMA noong Marso, nagladlad ng bandilang "We Belong" ang hanay ng alumni (Class '71-'84) habang pumaparada. "Unity Through Reforms" naman ang sigaw ng t-shirts sa ilalim ng military jackets ng Class '84. Ngunit sa graduating ceremonies kinabukasan na dinaluhan ni Marcos, walang kibo ang RAM; si Ramos lang ang nagparamdam. Sa kanyang talumpati sa graduating class, tinukoy ni Ramos ang isyung reporma at binigyang-diin na kailangan sa AFP ng "professionalism instead of personalism, self-discipline to the point of excellence, and cost-effectiveness instead of extravagance"; gayunman, hindi niya tuwirang tinukoy ang kilusang RAM. 'Di nagtagal, sumali sa RAM si Colonel Jose Almonte, dating direktor ng isang think-tank ni Marcos. Nakumbinsi ni Almonte sina Honasan na hindi uubra ang psychological warfare, o psy-war, laban kay Marcos; ani Almonte, kailangang daanin ang diktador sa dahas. Samantala, nahalal si dating Senador Lorenzo Tañada na chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), ang pinakamalaking koalisyon ng mga nasyonalista at radikal na grupong anti-Marcos. Nahalal naman si dating Senador Jose Diokno na chairperson ng Bandila, ang pinakamalaking koalisyon ng anti-Marcos "moderates." Samantala, may dalawampung libong (20,000) gerilya na raw ang NPA.

Agosto 1985, naghain ang mga oposisyong MP sa Batasan ng panukala na patalsikin si Marcos sa salang pagpapayaman at paglabag sa Saligang Batas. Nagpasiya ang RAM na kailangan nang kumilos; kung hihintayin pa nilang mamatay si Marcos, baka maunahan sila ni Ver. Nagtakda ang RAM ng coup d'etat pagka-Pasko, sa ika-26 ng Disyembre. Setyembre, pinag-initan ng human-rights advocates si Ramos nang paputukan ng PC at Civilian Home Defense Forces ang dalawampu't pitong magbubukid sa isang rally sa Escalante, Negros Occidental; labing-siyam ang naulat na patay; pinaimbestigahan ni Enrile ang pangyayari. Setyembre rin nang kinumpirma daw ng isang US defense attaché na may arrest warrants na lihim na inisyu ang Malakanyang para sa mga lider ng RAM. Oktubre, sa Washington, D.C., lihim na pinagpupulungan sa State Department kung paano kaya mapapagbitiw si Marcos at maiilipat ang kontrol ng AFP sa RAM ­ inaalalang mabuti ng mga Kano ang US bases na pinag-iinitan ng mga komunista at iba pang aktibista. Sinadya ni US Senator Paul Laxalt si Marcos sa Palasyo at ipinaabot ang pagkabahala ni Reagan tungkol sa bantang NPA; pinag-usapan nila ang panukalang magdaos si Marcos ng snap elections upang matahimik ang mga critic niya sa Amerika. Hindi nila alam, napag-isipan na ito ni Marcos. Sa tingin ng diktador, pabor sa kanya ang snap elections ­ kung tatapusin niya ang kasalukuyan niyang term na hanggang dulo ng 1987, dalawang taon na lang siya sa puwesto; pero kung mananalo siya sa snap elections, anim na taon pa siya sa Palasyo.

Samantala, pinoproblemang mabuti ng oposisyon kung sinong kandidato ang itatapat nila kay Marcos. Malinaw na kailangang magkaisa lahat ng grupong anti-Marcos, Kanan at Kaliwa. Pakiramdam ng marami, ang makakatalo lang kay Marcos ay isang Aquino; kung hindi si Butz, si Cory. Pero hindi raw popular sa hanay ng mga aktibista ang elitistang si Butz. Si Cory naman ay hindi interesado noong una; ayaw niya kasing tabunan si Salvador "Doy" Laurel, kababata ni Ninoy, na matagal nang ambisyon maging presidente at naghahanda nang kumandidato. Ang problema, nakisama at nakibagay sa rehimeng Marcos si Laurel kayâ matabang sa kanya ang mga tagahanga ni Ninoy. Si Cory talaga ang gusto nila at hindi siya tinantanan hanggang sa pumayag na tumakbo sa pagka-presidente, pero sa dalawang kondisyon: (1) tatawag si Marcos ng snap elections, at (2) pipirma ang isang milyong Pilipino ng petisyon na tapatan niya si Marcos sa halalan. Ibig daw niyang makatiyak na may ganoong karaming Pilipino na handang ipaglaban ang kalinisan ng eleksiyon.

Kahit anong hingin ni Cory noon, ibinigay ng tadhana. Agad naglunsad si Joaquin "Chino" Roces ng The Manila Times ng "Cory Aquino for President Movement" (CAPM). Makaraan ang isang linggo, noong ika-3 ng Nobyembre, inihayag ni Marcos sa American TV na magdadaos siya ng snap elections sa lalong madaling panahon. Agad nagpahayag si Doy Laurel na tatakbo siya sa pagka-presidente. Ika-13 ng Nobyembre, matapos pag-isipan at manalangin ng taimtim, inamin ni Cory kay Doy na hinihintay na lang niyang matanggap ang petisyon ng CAPM. Ika-19 itinakda ng Batasang Pambansa ang halalan para sa ika-7 ng Pebrero, 1986. Ika-30 natanggap ni Cory ang petisyon ng CAPM na nilagdaan ng 1.2 milyong Pilipino. Ika-2 ng Disyembre pinawalang-sala ng Sandigan Bayan sina Ver atbp. sa kasong pagpatay kay Aquino. Nang gabi ring iyon, pinagkasundo ni Cardinal Sin sina Cory at Doy. Kinabukasan, inihayag ni Cory ang kanyang kandidatura sa pagka-presidente at ni dating senador Doy Laurel sa pagka-bise presidente sa ticket ng UNIDO. Napilitan ang RAM na ipagpaliban ang planong kudeta; nagpapogi na lang ang mga repormista, nagsilbing security force ni Cory sa kampanya. Gayunman, sapagkat hindi sila naniniwalang may panalo ang biyuda ni Ninoy sa halalan, ibinulong nila kay Cory ang balak nilang kudeta at inanyayahan siyang maupo sa isang ruling junta. Umayaw si Cory.

Ika-16 ng Disyembre, sa isang interview ng The New York Times sinabi ni Cory na kung mahahalal siya, malamang na ipasasakdal niya si Marcos sa salang pagpatay kay Ninoy, ipatatanggal niya ang US bases pagdating ng araw, at makikipag-dialogue siya sa mga komunista sa isang neutral zone ­ katarungan lang naman daw ang hinihingi ng mga tao. Nataranta ang mga Kano; tagilid bigla ang US bases. Tila nataranta rin ang mga komunista; ika-23 ng Disyembre, nagpasiya ang executive committee ng CPP na iboykot ang snap elections sapagkat hindi raw ito ang daan tungo sa tunay na pagbabago. Ika-28, nagbitiw si Leticia Ramos Shahani, kapatid ni Fidel Ramos, sa Department of Foreign Affairs upang ikampanya si Cory; akala ng marami ay susunod na ang Heneral ngunit hindi ito nangyari. Ika-31 nagsimulang bumalimbing at nag-UNIDO ang maraming KBL. 


Ika-16 ng Disyembre, sa isang interview ng The New York Times sinabi ni Cory na kung mahahalal siya, malamang na ipasasakdal niya si Marcos sa salang pagpatay kay Ninoy, ipatatanggal niya ang US bases pagdating ng araw, at makikipag-dialogue siya sa mga komunista sa isang neutral zone ­ katarungan lang naman daw ang hinihingi ng mga tao. Nataranta ang mga Kano; tagilid bigla ang US bases. Tila nataranta rin ang mga komunista; ika-23 ng Disyembre, nagpasiya ang executive committee ng CPP na iboykot ang snap elections sapagkat hindi raw ito ang daan tungo sa tunay na pagbabago. Ika-28, nagbitiw si Leticia Ramos Shahani, kapatid ni Fidel Ramos, sa Department of Foreign Affairs upang ikampanya si Cory; akala ng marami ay susunod na ang Heneral ngunit hindi ito nangyari. Ika-31 nagsimulang bumalimbing at nag-UNIDO ang maraming KBL.

Kahit sinuwapang ni Marcos ang broadcast media, lutang na lutang ang kampanya ni Cory. Hindi na nagpigil ang taong-bayan na matagal nang naghihintay ng pagkakataon na magpakabayani, magpakita ng tapang, at manindigan tulad ni Ninoy. Sila ang mga Coryista na nagsulputan, nakadilaw, sa bawat pamilya, sa bawat barangay; kusa nilang ikinampanya si Cory, kanya-kanyang gimik, kanya-kanyang gastos. Pakiramdam nila at ng maraming Kristiyano't Muslim na isinaalang-alang ang sakripisyo ni Ninoy, si Cory ang tanging may karapatan na pumalit kay Marcos sa Palasyo. Nararapat lang na kahit paano'y makabawi (kung hindi si Ninoy) si Cory sa lahat ng pasakit na idinulot sa kanila ni Marcos at ng kanyang mga alagad. Nakatulong, siyempre, na walang ibang kandidato ang oposisyon na kayang pukawin, kahit walang sabihin, ang damdamin ng taong-bayan kontra kay Marcos. Nakatulong din na nagpa-coach siya tungkol sa US bases kaya nahimasmasan ang mga Kano, at tungkol sa komunismo kaya nahimasmasan ang mga Katoliko. Lalong nakatulong na madasalin siyang Katoliko at sunud-sunuran kay Cardinal Sin na kahit "critical collaborator" pa rin (naaanyayahan pa ring magmisa sa Palasyo) ay hindi pinigilan ang mga madre at pari at iba pang sumasampalataya sa Diyos na ikampanya si Cory. At nang papalapit na ang halalan at nagkakabilihan na ng boto, pinatawad na agad ng mga obispo ang sinumang tatanggap ng bayad o lagay; okey lang daw basta iboto pa rin sina Cory at Doy.

Sa kampo ng kaaway, akala'y makakatulong ang kandidatura sa pagka-bise presidente ni dating Senador Arturo Tolentino, ngunit hindi siya popular sa mga loyalistang pulitiko na may kanya-kanyang manok. Halata pati sa mga rally na may sakit si Marcos; ni hindi niya kayang akyatin ang entablado at maya't maya'y kailangan niyang umihi. Wala ring sinabing bago o iba si Marcos maliban sa isangkot si Cory sa kilusang komunista at lait-laitin ang kababaihan. Mas malala, ipinaubaya ni Marcos ang kampanya sa kanyang mga anak, na kulang sa karanasan. Sila ang nakialam diumano sa strategy, financial management (may 700 million daw ang nakalaan sa kampanya, hindi malaman kung piso o dolyar), at sa distribusyon ng campaign materials. Dahil sobra raw kuripot ang panganay na si Imee, hindi nakarating ang pampadulas sa mga lider ng KBL maliban sa ilang paborito ng magkakapatid.

Enero 1986, nagkaisa na ang RAM at ang anti-Marcos business community na sumusuporta kay Cory. Pinondohan ni Jaime Ongpin at iba pang negosyante ang "Kamalayan 86." Sunod-sunod ang mga prayer rally at seminar sa mga kampo militar; idiniin sa mga sundalo ang kahalagahan ng malinis at tapat na halalan. Enero rin, niligawan ni Honasan ang ilang junior officer ng PSC sa palasyo at nirekrut ang mga ito para sa RAM. Ika-23 ng Enero, sa isang talumpati sa Rotary Club, inilahad ni Cory ang kanyang 8-point program na magbubuwag sa diktadurya ni Marcos. Ika-30, nangako si Marcos na kung mahahalal siya, isasaayos niya ang gobyerno at rerepasuhin niya ang kanyang Konstitusyon, mga patakarang pang-ekonomiya, at decree-making powers.

Ika-4 ng Pebrero nagsidatingan sa Maynila ang dalawampu't isang delegado ng Estados Unidos ­ mga senador, representante, at mga pribadong mamamayan ­ upang magmatyag sa takbo ng eleksiyon. Tinataya na isang milyong tao ang dumalo sa miting de avance ni Cory Aquino sa Luneta. Nagparinig si Cardinal Sin na kung magkakaroon ng dayaan sa halalan, civil disobedience ang itutugon ng taong-bayan. Kinabukasan, inulan ang miting de avance ni Marcos na ni hindi nakapagtalumpati. Naubusan ng pera, o nag-bank run, ang limang bangko na pag-aari ng malalapít na kaibigan o crony ni Marcos; dinagsa kasi ng malalaking depositor na biglang binawi ang pera nila.

Ika-7 ng Pebrero, araw ng halalan, nagtanod sa botohan ang 400,000 volunteers ng NAMFREL. Muli, kaisa-isa ang Radyo Veritas na nag-ulat ng mga katiwalian at ng mga panawagan sa volunteers na magbantay ng ballot boxes. Ika-8 ng Pebrero, nagsimula ang bilangan ng mga boto. Nanguna si Cory Aquino sa talaan ng NAMFREL; lamáng si Marcos sa talaan ng COMELEC. Ayon sa mga dayuhang tagamasid, maraming kaso ng bilihan ng boto, takutan, agawán ng ballot boxes, dayaan sa bilangan at talaan; libo-libong botante pati ang hindi nakaboto sa Kalakhang Maynila. Sumumpa si Cory na kung dadayain siya, magtatanghal siya ng higanteng protesta at street demonstrations. Kinabukasan, nag-walkout sa COMELEC si Linda Kapunan (asawa ni Colonel Eduardo Kapunan na isa sa mga utak ng RAM) at ang pangkat niyang 30 computer technicians nang nahalata nilang magkaiba ang tally nila at ang tally na ibinibigay ng COMELEC sa media.

Ika-10 ng Pebrero, nagbabala si Enrile na mga komunista ang makikinabang kung magkakagulo. Ayon naman kay Ver, pinakamaayos sa kasaysayan ng bansa ang kagaganap na halalan. Ika-11, lantarang pinaslang si Evelio Javier, dating gobernador ng Antique na Coryista at LABAN lider. Pormal na sinimulan ng Batasang Pambansa ang pag-tally ng mga boto. Inanyayahan ni Marcos si Cory na sumali sa isang Council of State. Humirit si Reagan na walang malinaw na katibayan ng dayaan; darating daw si Philip Habib sa Maynila upang mamagitan sa KBL at sa oposisyon. Naimbiyerna si Cory at sinumbatan ang mga dayuhan na patuloy ang suporta sa naghihingalong diktador.

Ika-12 ng Pebrero, bumagsak nang 75 sentimos ang piso; naging _20 sa isang dolyar, an all-time low. Ika-13, lamáng na lamáng si Marcos sa bilangan ng Batasan; iyon nga lang, 96 sa 124 canvass certificates ay inangalan ng mga oposisyonistang MP dahil sa sari-saring depekto. Ika-14, nagbabala ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na walang "moral basis" ang puwersa ng isang gobyernong mandaraya. Lalo pang lumaki ang lamáng ni Marcos sa bilangan, 1.5 milyong boto na; ang hindi pa nabibilang ay 1.1 milyon na lang. Miniting ni Marcos ang mga nakakatataas na heneral ng AFP ­ sina Fabian Ver, Fidel Ramos, Josephus Ramas ng Army, Vicente Piccio ng Air Force, Brilliante Ochoco ng Navy, at Prospero Olivas ng Metropolitan Command (METROCOM). Pinag-usapan ang pagdedeklara ng state of emergency; ang pagdakip at pagpatay kay Enrile; ang pagdakip sa mga lider ng RAM at pagdisiplina sa mga repormista; at ang pagdakip sa mga lider ng oposisyon, kabilang sina Neptali Gonzales, Ramon Mitra, Homobono Adaza, Luis Villafuerte, Aquilino Pimentel, Rene Saguisag, Joe Concepcion, Dante Santos, Ting Paterno, Jaime Ongpin, at Vicente Jayme.

Ika-15 ng Pebrero sa Batasang Pambansa, pormal na prinoklama ang pagkawagi ni Marcos sa snap elections. Ang official count: 10.8 million kay Marcos; 9.3 million kay Cory. Nagprotesta at nag-walkout ang limampung oposisyonistang MP. Noong gabi, habang nagdiriwang ang kampong Marcos sa Palasyo, kudeta ang pinagpupulungan ng mga repormista sa bahay ni Enrile sa Makati.

Ika-16 ng Pebrero, sa isang "victory rally" sa Luneta na dinumog ng mahigit isang milyong tao, inilunsad nina Cory Aquino at Doy Laurel ang kanilang civil disobedience campaign. Nagpilit si Cory na siya ang nagwagi sa eleksiyon at nangakong pupuwersahin niya si Marcos na magbitiw, sabay hinimok niya ang taong-bayan na sabayan siya sa pagsuway sa mga utos ng diktador ­ huwag magbayad ng koryente at tubig, iboykot ang crony media at crony banks, gayon din ang Rustan's Department Store, San Miguel Corporation, at iba pang kompanyang pag-aari ng mga tuta at katoto ni Marcos. Aprub ang mga tao at sakay na sakay sa non-violent strategy ni Cory. Ngayong nagkakaisa na, ano ang hindi nila magagawa? Tugon ni Marcos, pinalitan na ni Ramos si Ver bilang Chief of Staff ng AFP. Tugon ni Reagan, darating si Philip Habib sa Maynila para makipagkasundo kay Cory.

Ika-17, ikalawang araw ng boykot, tinamaan na ang mga bangko, negosyo, at media na pag-aari ng mga Marcos crony. Malakihan ang mga cash withdrawal hindi lamang sa pitong bangko sa listahan ni Cory kundi pati sa iba pang bangko na kilalang pag-aari ng crony. Tinanggal ng Nestlé ang ads at commercials nito sa Bulletin Today at sa government TV Channel 4. Tumigil magbenta ng San Miguel beer, Coca Cola, Sprite, at Tru Orange ang maraming restawran. Nataranta ang malalaking negosyante, gayon din ang multinationals, na katiap ng rehimeng Marcos; milyon-milyong piso ang nawawala sa kanila araw-araw. Lalong ginanahan ang mga tao. Mukhang tama si Cory. Kung susuportahan siya ng mga mamimili, maaari niyang mapuwersa ang mga negosyante na puwersahin si Marcos na magbitiw. Mukhang makakamit nga ang pagbabago nang hindi nagpapatayan.

Ika-17 din, binawi ni Marcos ang balitang nagbitiw na si Ver at in-extend ang paninilbihan nito hanggang katapusan ng buwan. Iginiit ni Cory kay Habib na kailangang magbitiw si Marcos; kung hindi, lalakbayin niya ang buong kapuluan at mananawagan sa taong-bayan na sumali sa kanyang civil disobedience campaign. Ika-18, ikatlong araw ng boykot, nagpahayag si Jose Concepcion, Jr., chairman ng NAMFREL, na kulang-kulang na 3.27 milyong botante ang hindi nakaboto sa mga lugar na balwarte ng oposisyon. Bumagsak na naman ang halaga ng piso; _22.04 na ang isang dolyar. Ika-19, ikaapat na araw ng boykot, red alert ang PSC; alam ng mag-amang Ver na malapit nang lumusob ang RAM, salamat daw sa isang espiya ni Honasan na nag-double agent para kay Ver.

Ika-20 ng Pebrero, ika-limang araw ng boykot. Sinabi ng US Congress na walang maaasahang economic aid ang Pilipinas habang hindi nagbibitiw si Marcos. Dumalaw at nagbigay-galang kay Gng. Aquino ang labinlimang diplomatiko ng Austria, Switzerland, Norway, Finland, Sweden, Japan, Britain, Ireland, Netherlands, France, Spain, Belgium, Italy, Denmark, at West Germany. Sinabi sa kanila ni Cory na pursigido siyang maging presidente sa lalong madaling panahon. Sumali na sa boykot ang mga jeepney driver, mamimili, estudyante, at mga guro. Nagtakda ang RAM ng kudeta sa darating na Linggo, ika-23, alas 2:30 ng umaga, na agad ibinalita ni Almonte kay Ramos.

Ika-21, ikaanim na araw ng boykot. Inamin ni Marcos na kinakabahan siya sa balita na ibo-boykot ng mga dayuhang gobyerno ang kanyang inagurasyon sa ika-25. Nakatanggap si Enrile ng report na may binabalak arestuhin si Ver; na-paranoid, o napraning, si Enrile at sumulat ng letter of resignation na ihahatid daw niya sa Malakanyang sa darating na Lunes. Nagpahiwatig si Laurel na kung magpipilit si Marcos na manatili sa puwesto, handa ang oposisyon na magtatag ng provisional government na susuportahan tiyak ng ilang opisyal at sundalo ng AFP.

Wala pang isang linggo mula nang unang manawagan ng boykot si Cory, may _1.78 billion na lahat-lahat ang nawi-withdraw sa Philippine National Bank at crony banks, pinakamalaki ang Security Bank & Trust Company, Republic Planters Bank, at Traders Royal Bank. Unang-unang nag-withdraw ng pera nila ang simbahang Katoliko; sa Union Bank, 12% agad ito ng deposit base. Samantala, dinagsa ng bagong depositors ang Bank of the Philippine Islands, Metropolitan Bank and Trust Company, at Citibank. Kulelat bigla sa benta ang Bulletin Today; waging-wagi ang Philippine Daily Inquirer, Malaya, at The Manila Times. Walang tao sa Rustan's; nasa SM Shoemart, Anson's, at Robinson's ang mga mamimili.

Salamat sa biyuda ni Ninoy, kakaiba na noon ang ihip ng hangin. Mapanghimagsik na ang timpla ng taongbayan, punong-puno bigla ng pag-asa, sabik sa mga naamoy na pagbabago, noong bisperas ng EDSA. 

CONTENTS
Panimula 
Introduction 
NEXT: Sabado 
Linggo 
Lunes 
Martes 
Huling Hirit 
Ang Pagtatakip sa Edsa