Sa halip ay huminto ang mga tangke at nagsibabaan ang Marines.
Mahigpit ang kapit ng mga tao sa kanilang mga rosaryo't imahen;
ang ilan ay umiiyak. Derecho ang tayô ng mga sundalo, nakasapatos
na goma, may hawak na M-16 rifles, may mga kuwintas na bala sa
dibdib. Bulong ni Vangie Durian, "Marines sila. Malamáng
si General Tadiar 'yan. Kilalang kilabot 'yan kayâ `Tadjak'
ang tawag sa kanya." Pinilit ni Viring Ongkeko na lapitan
ang heneral at himukin siyang suwayin ang utos ni Marcos. Sinulsulan
siya ng isang lalaki, "Sige ho, kayo na ang lumantad. Hindi
kayo papatulan kasi babae kayo." Ngunit sinangga ng mababangis
na Marines na nakapaligid kay Tadiar ang mga babae, itinulak
ng hawakan ng mga M-16. Mataray silang sinita ni Viring, "Bakit
baril pa ang pantulak niyo sa amin? Sa kamay niyo lang, tumbá
na kami!" Pina-relax ni Tadiar ang mga tauhan niya. Nakalusot
sa security si Aida Ciron (asawa ni Ruben Ciron, senior aide
ni Enrile) na halos napayakap kay Tadiar. "Temy, mayroon
ka ring asawa at mga anak, huwag mong gawin 'to!" Tinangkang
makaalpas ni Tadiar subalit hawak na rin siya ni Vangie Durian
sa kamay. "Temy, kilala mo 'ko, naging magkapitbahay tayo
sa Navy Village!"
"Nand'yan ba si Jess?" tanong ni Tadiar. "Oo,"
sagot ni Vangie, "at ito ang anak kong si Jojo." Nagpakilala
si Jojo, "Sir, madalas ako sa bahay n'yo noon; magkalaro
kami ng anak n'yo." Kahit anong tensiyon at hysteria, taghuyan
at iyakan sa paligid, pormal at magalang ang pag-uusap nila.
May lumapit na isang babae, "General, anong gagawin ninyo?"
Ani Tadiar, "Hindi kami mananakit ng sibilyan. Ang utos
sa amin ay harapin sina Enrile at Ramos." Tinanggal ni Tadiar
ang suot niyang bullet-proof vest. "Mag-uusap lang kami."
Sagot ng mga tao, "Paano n'yo masasabing walang masasaktang
sibilyan? Oras na makita kayo nina Enrile at Ramos, tiyak na
nenerbiyosin sila! Baka magkaroon ng putukan!"
Patuloy ang pagbuhos ng mga tao galing kung saan-saan. 'Di nagtagal,
lahat ng mga tangke ay pinapaligiran na ng mga tao. Sari-saring
komentaryo ang madidinig. "Marami naman tayo, sugurin na
natin sila!" ... "Bakit kayo sumusunod sa diktador?"
... "Pilipino din kaming tulad n'yo! Huwag n'yo kaming patayin!"
Ang iba naman ay mangiyak-ngiyak, may sumisigaw, may lumuluha,
may nagdarasal. "Co-ree, Co-ree, Co-ree!" sigaw ng
isang grupo. May isang mestisong nagsalita: "Ordinaryong
mamamayan lang ako. Hindi sa akin ang desisyon kundi sa ating
lahat. Nakikiusap si General Tadiar na hayaan silang harapin
si Enrile. Puwede daw tayong sumama. Papayagan ba natin sila?"
Sigawan ang mga tao, sabay-sabay, "Hindi! Hindi puwede!"
Dumating si Tingting Cojuangco (nanay ni Mikee) at si Tito Guingona;
kinausap nila si Tadiar. Pumayag si Tadiar na maghintay habang
ipinaparating nila kay Enrile na ibig niya itong makausap. Ani
Tadiar, "Bibigyan ko kayo ng trenta minutos."
Kasalukuyang kasama noon ni Ramos si Enrile sa 4th floor, pinakamataas
na palapag, ng Crame Operations Center. "Kitang-kita namin
ang dagat ng makakapal na tao sa kahabaan ng EDSA, mula Ortigas
hanggang halos sa Cubao." Iyong limangdaang (500) tao noong
madaling araw ay naging limangdaang libo (500,000) na noong hapon.
Hindi malinaw kung natagpuan nina Tingting si Enrile, pero nakarating
kay Enrile ang tungkol sa mga tangke sa Ortigas. Agad niyang
tinawagan sa telepono si Ambassador Bosworth at hiniling na ipaabot
nito sa White House ang nangyayari at nang mapagsabihan si Marcos
na maghunos-dili. Tinawagan din niya si Ver at binalaan: "Pag
pinatay n'yo kami, madadagdag kayo ni Marcos sa listahan ng mga
mangangatay-tao ng mundo."
Abalá noon si Ver sa pagbibigay ng pep talk sa mga tropang
Army, Air Force, at Marines na may "morale problem."
Karamihan yata'y naabot ng telephone brigade ni Ramos kayâ
nawalan na ng ganang labanan ang mga repormista. Upang patunayan
ang sabwatan laban sa mag-asawang Marcos, isinama ni Ver sina
Morales, Aromin, Malajacan, at Brillantes sa Fort Bonifacio,
at pagkatapos, sa Villamor Air Base.
Samantala, patuloy ang pag-radyo ni Josephus Ramas kay Tadiar
na kumilos na ito. Ipinaliwanag sa kanya ni Tadiar ang sitwasyon.
"Ayokong saktan ang mga taong ito," sabi niya sa Army
commander. "Tao rin ako."
Hindi nagtagal, dinatnan si Tadiar ng mga bisitang lulan ng helicopter,
sina General Angel Kanapi at Colonel Lisandro Abadia ng Army
Operations. Nag-aerial reconnaisance ang tatlo. Sa himpapawid,
may itinuro si Kanapi na ruta para sa mga tangke papuntang Aguinaldo,
ngunit pinasaalang-alang ni Tadiar ang mga barikada ng tao na
patuloy na kumakapal at pumupuno sa daan. Pagkahatid kay Tadiar
sa EDSA/Ortigas, lumipad pabalik kay Ramas sina Kanapi at Abadia
at nagreport.
Nasa EDSA gate ng Crame sina Razon, nakikipagsigawan sa mga tao.
"Noong lumabas kami, papunta sana sa Ortigas, pinigil kami
ng mga tao, may mga tangke raw doon; itinulak nila kami pabalik
sa Crame. Na-touch kami dahil inaalala nila kami. Dati galit
sila sa amin; ngayon sila ang nagtatanggol at nagpapakain sa
amin."
Sa Radyo Veritas, sumahimpapawid si Alfredo Tadiar, regional
trial court judge, at nanawagan sa kanyang pamangkin na si Artemio
Tadiar, kumander ng Philippine Marines, na suportahan ang pinaninindigan
nina Ramos at Enrile. "Nawa'y gawin mo ang tamang desisyon
batay sa katibayan at katwiran. Isaisip mo na nakataya sa desisyon
mo ang kinabukasan ng henerasyong ito."
"Makasaysayan ang pakiusap ni Uncle Fred kay General Tadiar
sa pamamagitan ng Radyo Veritas. 'Artemio, ito ang 'yong Tio
Fred. Nandito kami ng Tia Florence mo at ng mga pinsan mo sa
Crame. Boy, makinig ka sa akin' Pinalakpakan ng mga tao sina
Tio Fred at Tia Florence at ang mga pinsan ni General Tadiar.
Pati ako ay napahiyaw sa labis na tuwa at pasasalamat,"
kuwento ni Louie Agnir.
Alas-kuwatro (4:00) ng hapon. Nakatayo si Tadiar sa ibabaw ng
isang tangke, nakikiusap sa mga tao na padaanin sila. Kung hindi,
aniya, sa likod sila dadaan. "Hindi puwede!" sigaw
ng mga tao. "Mamamatay tayong lahat dito!"
Hindi nagpadaig kay Tadiar si Butz Aquino, na nakahabol pa sa
huling eksena ng makasaysayang enkwentro ng tao at tangke sa
EDSA/Ortigas.
Umakyat din sa ibabaw ng isang tangke si Butz at hinarap si Tadiar.
Matapos niyang ireport ang tungkol kay General Lim baka
sakaling maipluwensiyahan si Tadiar na huwag ding kumilos
sabi ni Butz, "General, sinasabi n'yo na mas mataas na kapangyarihan
ang nag-utos sa inyo na i-disperse kami. Pero ang kinikilala
naming mas mataas na kapangyarihan, ang kinikilala naming Chief
of Staff, ay si General Ramos, at ang commander-in-chief na kinikilala
namin ay si Cory Aquino. Alam naming hindi sila ang nag-utos
sa inyo na i-disperse kami. Bukod d'yan, kalayaan ang ipinaglalaban
namin, at kung kailangan naming mamatay, handa kaming mamatay!"
Nagalit si Tadiar. Ang gusto niya ay patahimikin ni Butz ang
mga tao, hindi painitin.
Dumagundong ang mga makina ng mga tangke. Muntik nang malaglag
si Butz. Tinulungan siya ng mga tao na bumaba, tapos ay pinaupo
siya sa harap ng tangke. May dalawang madre sa magkabilang tabi
niya, bahagyang nauuna. Sa ingay pa lang ng makina, nataranta
na si Butz. "Mula sa kinauupuan ko, 'singlaki ng bahay ang
tingin ko sa tangke!" Umabante ng isang metro ang tangke.
"May nag-iiyakan, may nagdadasal, may kumakanta, sabay-sabay."
Hinihintay ni Butz na kumilos ang mga madre pero walang kakibo-kibo
ang dalawa. Hindi na rin siya nakakibo. "'Yon bang, bahala
na!"
"Magkapit-bisig daw kami," kuwento ni Lulu Castañeda.
"Sinilip ko ang mga mukha ng mga tao sa paligid ko, lalo
na 'yung katabi kong lalaki na mahigpit ang kapit sa braso ko.
Prinoblema ko na ni hindi ko man lang alam ang pangalan nitong
kasama ko sa pagharap kay Kamatayan. Taimtim kong dinasal ang
Act of Contrition at ang Hail Mary, lalo na 'yung nagsasabing:
'Ipagdasal mo kami ngayon at kung kami ay mamamatay.' Noon ko
lang nabatid ang kabuluhan ng panalanging 'yon, na samahan ako,
tayo, ng Dakilang Ina sa oras ng kamatayan."
"'Yon ang nakakatakot," tanda ni Joe Alejandro. "Mababatid
mo na ang pagka-bayani ay hindi sinasadya. 'Pag may kumapit na
sa bisig mo, hindi ka na basta-basta makakakalas, nakakulong
ka na sa apat, limang, suson ng tao. Matatakot ka!"
Noong naging kagyat na posibilidad ang kamatayan, saka lamang
naging mabalasik at taimtim ngunit disimulado pa rin
ang datíng ng mga tao. Kahit gipit, kaayaaya pa rin ang
kilos nila, pasayaw na sinalubong ng bulaklak at rosaryo ang
mga tangke't kanyon.
Narinig ni Larry
Henares ang isang lola, nakangiti at kumikislap ang mga mata,
sinasabi sa isa pang lola habang nakikitulak sa isang tangke:
"Siguro naman hindi tayo pababayaan ni Santo Niño,
'no?"
Huminto
ang mga tangke. Palakpakan, hiyawan, iyakan ang mga tao. Lalo
pang kumapal ang mga barikada. Mula sa paghaharap na ito ng masa
at ng burgis, may natuklasan silang bukal na kalooban na nagbubuklod
sa kanila, na noon lang namalayan. Nag-alab ang kanilang mga
damdamin. Nangilid ang luha sa mga mata. May bumulalas ng awit.
Isinilang ang People Power!
"Paghinto
ng mga tangke," ani Joe Alejandro, "at saka ako nakakita
ng mga machong lalaki na nagsúsuká. Sa taas ng
adrenalin nila, naduduwal sila. Pero ang mga babae iba
ang sikmura ng babae; hindi sila sumusuka."
Namangha ang marami na kahit grabe ang tensiyon, at armado ang
mga rebelde at loyalistang sundalo na nandoon, walang napikon
o nakalimot sa sarili at walang nagsiklab na putukang ikinamatay
tiyak ng libo-libong sibilyan sa crossfire.
"Hindi sa takót o hindi handang lumaban ang mga tao,"
tanda ni Alejandro. "Maraming sibilyan ang may dalang armas.
Maraming nagsabi sa akin na kung sakaling may mangyari, mayroon
silang nakatago sa trunk ng kotse. Kung nagkaputukan ang mga
sundalo, nakipagputukan din tiyak ang mga tao."
Alas-kuwatro
bente (4:20) ng hapon,
bumalik si Abadia sa kinaroroonan ni Tadiar, may dalang order
galing kay Ramas. Humanap daw ang dalawang batalyon ng Marines
ng ibang madadaanan papasok sa Camp Aguinaldo at pabalikin ang
armored units at iba pang elemento ng division sa Fort Bonifacio.
Suko sila sa People Power.
"Ginulat ako ng People Power," kuwento ni Razon. "Dati
mababa ang tingin ng tao sa militar, lalo na mula nung patayin
si Ninoy, 'tapos nasakdal si General Ver. Bukod d'yan, nasira
lahat ng plano namin! Sinong kákampí sa talo? Tapos,
biglang, wow! People Power!"
"Nakakagulat, oo," wika ni Cory, "dahil noong
pitong taon at pitong buwan na nakakulong si Ninoy, hindi ganoong
katapang ang Pilipino. Hirap na hirap kaming pasamahin ang mga
tao sa aming kilusan. Noong nagha-hunger strike ang asawa ko,
halimbawa, 40 days kami nagpamisa sa Greenhills, araw-araw, at
nagpapasalamat na ako 'pag umabot ng 200 ang dumating, kahit
panay kamag-anak ko at kaibigan, at mga madre talagang
napakatatapang ng mga madre. Pero nagbago lahat 'yon noong patayin
si Ninoy, kayâ sa palagay ko, kinailangan lang na palakasin
ito. Ang pagbabago ay hindi nakakamit sa isang magdamag lamang.
Dapat ay patuloy ang pagsisikap na mapatibay ang loob mo, at
maging matapang ka, at matutong manalig sa sarili."
"Kami sa media, katarungan ang hinihingi namin," sabi
ni Eggie Apostol. "Sino man ang pumatay kay Ninoy, kaya
niyang patayin kahit sino sa atin, at dapat siyang iharap sa
husgado. Pero hindi namin inasahan ang People Power. Alam kong
mayroong mangyayari na magkakaroon ng epekto, pero maliliit na
pagkilos lang ang inaasahan ko hindi tulad ng nangyari
noong apat na araw na milyon-milyong tao ang dumating. Iba 'yon,
nakakagulat!"
Iba ang pananaw ni Nick Joaquin, National Artist for Literature,
na masugid ring oposisyonista. Para kay Mang Nick, hindi nakakagulat
ang pagkilos ng Pilipino na sumindak sa buong mundo. "Ang
ipinakita natin sa barikada ay iyong kinaugalian at nakasanayan
natin, iyong karaniwan sa atin, na siya nating dapat ikinilos
noong 1972 nang simulan ni Marcos ang pagtapak sa ating mga leeg.
Noong hindi natin nilabanan ang pagtapak na iyon sa ating mga
karapatan iyon ang nakakagulat! Noong pinatagal natin ng
labing-apat na taon ang panunupil niya iyon ang katakataka!
Subali't noong 1986, noong mga gabi ng ating pagtitipon, nang
tayo ay nag-alsa laban sa diktador iyon ay hindi nakakagulat.
Binalikan lamang natin ang natural, ang karaniwan, ang tradisyonal.
Sapagkat nagpasiya tayo na mabuhay muli; nagpasiya tayong labanan
na ang nakakangalay na pananapak nang sunod-sunod na Marcos.
Ito ay rebolusyonaryong desisyon na alinsunod sa ating kasaysayan.
Noong panahon ng kolonyalismo, may isang paghihimagsik taon-taon.
Ito ang dahilan kung bakit masasabi natin na ang naganap noong
1986, noong kabilugan ng unang buwan ng Taon ng Tigre, ay hindi
kamangha-mangha kundi pangkaraniwan lamang, sapagkat iyon ay
matagal na nating nakaugalian. Bumalik lamang ang Pinoy sa dating
gawi."
Mahibang-hibang ang Maynila. Punong-puno ng mga tao ang highway
sa pagitan ng dalawang kampo. Kahalubilo ng mga Coryista ang
mga rebeldeng sundalo at mga banderang kinukulit si Marcos na
magbitiw. Isang dagat ng tao na umaalon, paroon at parito
para bagang mga loyalistang nag-aatras-abante.
Napatunganga ang mga komunista sa bongga at mala-piyestang rebolusyon
na idinadaos ng taong-bayan, masa at burgis. Naki-piyesta rin
ang marami pang Pinoy kahit sa TV lang; pakiramdam nila, nasa
EDSA na rin sila. Sa kauna-unahang pagkakataon, ipinagmalaki
nila ang sarili at ang bayan. Matinik talaga ang Pinoy. At may
ibang paraan nga, bukod sa digmaan, tungo sa kasunduan.
Ang mga oras na iyon noong Linggo ng hapon ang high point ng
himagsikan. Halos sabay naganap ang madramang pagtawid ni Enrile
ng EDSA papunta sa Crame at ang madramang pagharang ng mga tao
sa mababangis na tangke at Marines sa EDSA/Ortigas.
Magkasing-bigat ang dalawang pangyayari. Mabigat ang ipinakitang
tapang at paninindigan ng mga tao sa EDSA/Ortigas. At mabigat
din ang ginawang pag-amin ni Enrile at ng RAM na kailangan nila
si Ramos. Malinaw na noon na hindi totoong hawak ni Enrile si
Ramos at posibleng hindi siya susuportahan ni Ramos kung tatangkain
niyang pangunahan si Cory. Pero walang choice si Enrile kundi
lumipat sa Crame (totoong mas madaling depensahan ito kaysa Aguinaldo)
at makipagkaisa sa heneral (tila mas malaki na ang puwersang
nagde-defect kay Ramos kaysa nagde-defect sa RAM), bahala na
kung paano pakikitunguhan si Cory. Walang duda na moment of truth
para kay Enrile nang dumating siya sa gate ng Aguinaldo at nakita
niya kung gaano kadilaw ang EDSA.
Sa EDSA/Ortigas din, oras ng katotohanan nang magpakitang-gilas
ang puwersa ng taong-bayan. Maliwanag ang pahiwatig ng People
Power kay Marcos tapós na ang paghahari ng dati
niyang kilabot na militar. Maliwanag din ang pahiwatig ng People
Power kay Cory at kay Enrile oras nang magbatî at
magkaisa nang matutukan nang puspusan ang kasuklam-suklam na
diktador. Ang hindi pa lamang malinaw noon ay kung anong klaseng
kasunduan ang mapapanday ng biyuda ni Ninoy at ng jailer niya.
Kahit umatras na ang Marines, namimiligro pa rin ang rebeldeng
militar sa Crame at ang mga tao sa EDSA. "May nakikinita
ako noong apat o limang eksena," ani Ramos. "Maaaring
artillery bombardment mayroon daw nakapuwestong artillery
sa ULTRA stadium sa Pasig, na hindi malayo para sa artillery
shells. Maaari ring dumaan ang Infantry at ang Scout Rangers
sa Horseshoe Village sa San Juan, sa likod ng Camp Crame. O kayâ
sa likod ng Camp Aguinaldo puwedeng dumaan ang kaaway sa
Santolan Road galing Libis sabay maneobra para banatan
ang Camp Crame ng mga kanyon. 'Yon ang nakakatakot; mabuti at
maraming tao doon na hindi basta-basta madi-disperse. Huli, puwede
nila kaming banatan ng helicopter gunships, na tiyak na
magtatagumpay sapagkat wala kaming air power na pang-kontra."
Ngunit natagalan pa bago kumilos muli nang puspusan ang puwersa
ni Ver. Matagal pa nilang pinag-isipan kung paano madi-disperse
ang mga tao na wala masyadong nasasaktan. Alas-singko (5:00)
ng hapon, nakarating kay Lim (na nasa EDSA pa rin) na hinahanap
siya ng Malakanyang. "Tinawagan ko ang study room at nakausap
ko ang Presidente. 'General,' sabi niya, 'binigo mo ako! Bakit
wala pa ring nagaganap na dispersal?' Sabi ko, imposible na hong
ma-disperse ang mga tao. Bakit daw? Sabi ko, 126 lang ang tauhan
ko (sinadya ko kasing iwan sa Camp Sikatuna ang iba) samantalang
libo-libo ang tao sa EDSA. Sabi niya, 'Makinig ka. Padadalhan
kita ng dagdag na tropa: dalawang batalyon ng Army. Basta i-disperse
mo ang mga tao, kahit anong mangyari. Pauwiin mo sila. Sabihin
mo, bobombahin na ang Crame!' Napa-oo ako, pero sa loob-loob
ko, naisip ko, patay na!"
Saka naman tumawag si General Victor Natividad, na kaa-appoint
na Acting Chief of Staff, kapalit ni Ramos. (Dapat sana ay si
Olivas ngunit hindi siya matagpuan.) Inutusan ni Natividad si
Lim na dalhin sa Meralco Compound sa Ortigas ang kasama
niyang Crowd Dispersal & Control units. Labis na natuwa si
Lim sapagkat pinapaalis na siya, hindi na niya problema ang EDSA.
Nasa telepono pa rin si Marcos, nagtatawag ng kaibigan na puwedeng
maging tulay niya kay Enrile. Sabado pa ay ibig na niyang makausap
si Enrile ngunit naging mailap ito. Tila sadyang ipinagpaliban
ni Enrile ang pakikipag-usap sa Presidente habang tagilid pa
ang lagay ng rebeldeng militar. Dapithapon na ng Linggo, naka-eksena
na ang People Power at matatag-tatag na ang tayô nila ni
Ramos sa Crame, nang sa wakas ay bumigay si Enrile sa pakiusap
ni MP Alfonso Reyno ng Cagayan, kaibigan nila kapwa ni Marcos,
na tawagan niya ang Presidente sa Palasyo.
Ayon kay Enrile, inalok ni Marcos ng ganap na amnestiya ang tropang
rebelde kung susuko agad sila. Nang makiusap daw si Enrile na
awatin ni Marcos ang mga tangke, nagmatigas ang Presidente. Huli
na raw, pumoposisyon na ang armor. Gayon man, iuutos daw niya
na huwag magpaputok ang mga sundalo. Idiniin daw ni Enrile na
hindi manggagaling sa kanyang tropa ang unang putok.
Samantala, nakarating na ang pangkat ni Lim sa Meralco Compound
sa Ortigas Avenue. May nakita silang mga tangke na patungong
Pasig. 'Di nagtagal, dumating si Natividad, naghahanap ng mga
tangke. Kadadaan lang, sabi ni Lim, papuntang Pasig. "Pasig?"
tanong ni Natividad. "Bakit sa Pasig?" Kumililing ang
telepono. Si Gng. Marcos ang tumatawag, para kay Natividad. Nang
balikan ni Natividad si Lim, tila lalo itong nagulumihanan. Saka
tiyumempo si Lim. Umaga pa'y on duty na ang kanyang mga tauhan,
hindi pa nananghalian, wala pang pahinga; puwede kaya silang
bumalik muna sa Camp Sikatuna para kumain at maligo? Tawagin
na lang sila kung kailanganin sila? Pumayag si Natividad.
Bandang 6:30 ng hapon, nawala na sa himpapawid ang Radyo Veritas.
Ngunit halos hindi ito napansin, o maaaring hindi lang agad ito
gaanong prinoblema, ng mga rebolusyonista dahil mayroon nang
ibang himpilan, mangilan-ngilan, na nagbabalita na rin ng nangyayari
sa EDSA. Isa pa, nagdadaos noon ng press conference sina Ramos
at Enrile at matagumpay na inihahayag ang pagbubuo ng New Armed
Forces of the Philippines.
Patalastas ni Ramos, sumama na sa Bagong AFP ang military commanders
ng apatnapung (40) probinsiya ng labing-dalawang (12) rehiyon
at apat (4) na distrito ng kalakhang Maynila. Mayroon din daw
siyang labing-pitong (17) armored tank at dalawang helicopter
na handang lumaban kung sasalakay ang tropang Marcos-Ver.
Ang anim na field brigadier generals na sumama na raw sa puwersa
niya ay sina Tomas Manlongat, Renato de Villa, Dionisio Tan-gatue,
Carlos Aguilar, Benjamin Ignacio at Rodrigo Gutang. At ang apat
na police superintendents ng Metro Manila mga heneral din
ay sina Narciso Cabrera, Alfredo Lim, Ruben Escarcha at
Alfredo Yson. Nangako si Ramos na pagsisilbihan ng Bagong AFP
ang mga bagong may hawak ng kapangyarihan. Malinaw na nagkaisa
na muli sina Enrile at Ramos at nagpaparinig na kay Cory.
Ibinalita din ni Enrile ang alok ni Marcos na amnestiya na tinatanggihan
daw ng mga repormista sapagkat hindi na raw matutumbasan ang
pagbibitiw ni Marcos. Inaasahan daw ni Enrile na magkakaroon
ng aksiyon sa gabing iyon, na kinumpirma ni Ramos. May dalawang
batalyon daw ng Scout Rangers at isang batalyon ng Marines na
handang sumugod galing Aguinaldo, at mayroon din daw isang hilera
ng APC sa Ortigas avenue. Pangako ni Ramos: "Hindi kami
tatakbo." Nilinaw din ni Enrile na kung magkakaputukan,
mga sundalong rebelde lang ang lalaban. Hindi sila mamimigay
ng armas sa libo-libong sibilyan na kasangga nila laban sa tropang
Marcos-Ver.
Tila iyon lang ang hinihintay ng mga pulitikong kakampi ni Cory
sa Kanan, gayon din ng mga representante ng mga liberal, nasyonalista,
at radikal na grupong anti-Marcos sa Kaliwa. Nang gabi ring iyon,
sinadya nila sina Enrile at Ramos sa Crame. Dumating si Doy Laurel
na kagagaling sa Cebu, binati ang kagitingan ng dalawang bandido,
at pagkatapos ay nagkulong daw ang tatlo sa opisina ni Ramos
at nagpulong. Dumating din ang dating Senador na si Lorenzo Tañada,
87, pinagpipitaganang lider ng koalisyong BAYAN, upang alamin
kung ano talaga ang nangyayari sa kampo. Nang natiyak niyang
kikilalanin ni Enrile at ng RAM si Gng. Aquino bilang pinuno,
nangako si Tañada na hindi ititigil ng BAYAN ang mga mass
action hanggang hindi napapatumba ang mga barikada sa Mendiola.
Galing na rin doon sina Rolando Olalia, lider ng KMU, si Jose
Castro ng Nationalist Alliance, at iba pang mga kasapi ng mga
organisasyon ng maralita.
Sa Wack Wack, Mandaluyong, nangangalap si Cory ng balita sa mga
oposisyonistang nanggaling na sa Crame. "Si Doy Laurel ang
nagbalita sa akin ng panukalang military-civilian junta nina
Enrile at Ramos," kuwento ni Cory, "Kabilang daw ako
at si Doy at sina Celing Palma at Senador Tañada sa junta.
Pero siyempre, hindi ako makapayag sa ganoon."
Gayunman, nagpahiwatig si Cory ng pagsuporta sa mga rebelde.
Sa pamamagitan ng DZRH nanawagan siya sa mga opisyal ng gobyernong
Marcos na gumaya kay Alampay, gayon din sa mga residente ng Metro
Manila na ipagpatuloy ang pagtangkilik nila sa dalawang rebeldeng
opisyal. Lihim din niyang pinasabihan sina Enrile at Ramos na
nais niyang makausap ang dalawa noong gabi ding iyon.
Samantala, sunod-sunod ang datíng sa Palasyo ng masamang
balita. Alas-siyete (7:00) ng gabi napahangos si Ver sa Maharlika
Lounge, kung saan naghihintay ang Papal Nuncio, si Monsignor
Bruno Torpigliani, at sina Ricardo Cardinal Vidal at Monsignor
Severino Pelayo. Hindi kasama si Cardinal Sin dahil mayroon daw
nagbabanta sa buhay nito. May dalang liham si Torpigliani mula
kay Pope John Paul II, nakikiusap kay Marcos na gawing maayos
at tahimik ang paglutas sa krisis. Alas-ocho (8:00) ng gabi,
nakatanggap si Tadiar ng report galing kay Balbas na nasa Libis:
hindi makaabante ang brigada niya 'pagkat punumpuno ng tao lahat
ng daan patungo sa Aguinaldo. Pinabalik na lang sila ni Tadiar
sa Fort Bonifacio. Sa Amerika nanggaling ang pinakamatinding
dagok ng gabing iyon. Nag-isyu ng pahayag ang White House na
nakikiisa ito sa mithiin ng rebeldeng militar na magbitiw na
ang Presidente. Duda na raw ang pamahalaang Reagan sa karapatan
at katwiran ng pamahalaang Marcos. Kulang na lang na ipagbunyi
ng mga Kano ang aksiyon nina Enrile at Ramos.
Ngunit para kay US Ambassador Bosworth, tipong bitín,
kulang sa hagupit, ang White House statement. Bandang 10:00 ng
gabi sa telepono, sinabi niya kay Secretary of State Shultz na
hindi magbibitiw si Marcos kung hindi siya dederechuhin ni Reagan.
Ang problema ni Shultz, kung paano kukumbinsihin si Reagan na
kausapin at tuwirang pagbitiwin si Marcos.
Samantala, dumating sa Camp Crame si Freddie Aguilar, ang aktibistang
folksinger na galit na galit kay Marcos, upang batiin sina Enrile
at Ramos at makiisa sa mga taong nagbabarikada sa paligid ng
kampo. Dahil karamihan ng mga tao ay nasa EDSA gate, pinakiusapan
si Freddie ng staff ni Enrile na pumuwesto sa Gate Two sa Santolan
para humatak ng tao doon. "Pagbaba ko sa Gate 2," kuwento
ni Freddie, "may apat na madre at apat na seminarista at
isang pari na nakatanod. Sa labas, merong ilang sundalo at mga
dalawampu't limang (25) tao na aantok-antok, mukhang pagod. Nang
ibalita ng isang babaeng may hawak na mikropono na nandoon ako,
nagising 'yung mga inaantok at hinanap ako. Kaway naman ako.
Lapitan sila, padamí nang padamí, naging 50, naging
60, hanggang sa daan-daan na 'yung nandoon. Sabi ko sa kanila,
'Aalis muna ako, kukuha ako ng sound system.' Sabi ng mga tao,
sabay-sabay, 'Walang aalis! Walang aalis!' Sabi ko, 'E kukuha
ako ng sound system para magkaroon tayo ng tugtugan dito.' Sigawan
sila, sabay-sabay pa rin, 'Gitara! Gitara!' May dumating ngang
gitara, galing sa isang seminarista sa kabilang barikada. Sige,
'kako, pero isang kanta lang, kasi naghahabol ako ng oras. Anong
gusto n'yo? 'Katarungan!' E di kinanta ko. Palakpakan. 'Ipangako
n'yo,' sabi ko, 'walang aalis! At pangako ko, dito ako sa gate
na ito babalik! At hindi lang sound system ang dadalhin ko, magdadala
ako ng banda para magising kayo!'"
Patuloy ang psy-war ni Ramos. Pinaulanan niya ang mga tropang
loyalista ng mga leaflet na nagsasabing, "Anong katuturan
ng pagpapatayan natin? Magkaisa tayo at sama-samang humubog ng
mas magandang kinabukasan. Maging bayani kayo nang hindi namamatay.
Ipakita natin sa mundo na nananalig tayo sa Panginoon, na tayo'y
bayang Kristiyano."
Mas marami nang sundalo ang mayroong nakakabit na patch ng watawat
ng Pilipinas sagisag ng rebolusyon sa balikat ng
uniporme nila. Kulang iyong dalawang libo (2,000) na inihanda
ng RAM sa dami ng mga sundalong dumagsa sa kampo upang makibaka.
"Ibang klase ang sayá ng mga sundalo ng nagtatanod
sa mga bakod ng Crame," kuwento ni James Fenton, isang foreign
correspondent. "Panay ang abót sa kanila ng pagkain
at sigarilyo ng mga tao. Pinapaligiran sila ng mga barikada,
mga madreng nagkakantahan, mga istatwa ng Birhen at ng Santo
Niño, at hot dog stalls; pero walang mabiling soft drinks,
kahit anong presyo. Ang nakakapanibago: bayani ang tingin ng
taong-bayan sa sundalo. Halatang naninibago rin ang mga sundalo."
Noong gabi ring iyon sa GMA Channel 7, binaybay ng character-generator
sa TV screen ang balitang wala na si G. Marcos at hawak na ng
mga rebelde ang gobyerno. 'Di malinaw kung kaninong pakana, ngunit
naitanim sa isip ng mga nakapanood ang nakakakiliting posibilidad
na kusang mag-alsa-balutan si Marcos.
Iyon mismo ang pinapangarap din sa Washington D.C. Alas-diyes
(10:00) ng gabi (Manila time) sa bahay ni Shultz sa Bethesda,
Maryland, nagpupulong ang National Security Planning Group
sina Secretary of Defense Caspar Weinberger, National Security
Adviser John Poindexter, Deputy Director for Intelligence ng
CIA Robert Gates, at si Habib, gayon din ang tatlong opisyal
na ilang buwan nang nakatutok sa krisis sa Pilipinas: sina Armacost
at Wolfowitz, at si Richard Armitage na Assistant Secretary of
Defense for International Security Policy. Bandang 11:00, habang
nagrereport si Habib tungkol sa kanyang dalaw sa Maynila, dumating
si Admiral Crowe, Chairman ng Joint Chiefs of Staff. Nagkasundo
ang grupo, at ipinarating nila kay Reagan, na: (1) wala nang
karapatan at kakayahang mamuno si Marcos; kahit anong gawin niya
para supilin ang mga rebelde ay ikalalala lamang ng sitwasyon;
(2) importante sa Amerika na walang maganap na karahasan; (3)
makakasira sa U.S. kung si Marcos ay tatratuhin tulad ng Shah
ng Iran, na pinapasok para magpagamot ngunit hindi pinayagan
ng administrasyong Carter na manatili sa Amerika.
Hindi
malinaw kung sa huli'y naudyok si Reagan na magdikta ng personal
na mensahe kay Marcos at makiusap na huwag itong gumamit ng dahas.
Malinaw lang na ikalawang gabi na ng himagsikan nakapagtanghal
na ang People Power ay hindi pa rin pinagbibitiw ni Reagan
si Marcos.
Samantala, feeling Pangulo na si Cory noong gabing iyon. 'Di
tulad ni Doy Laurel na sinadya sina Enrile at Ramos sa Crame,
nanatili si Cory sa Wack Wack at siya ang sinadya ng dalawang
bandido. "Ipinatawag ko sila," kuwento ni Cory, "pero
hindi sila magkasamang dumating; hindi sila puwedeng mawala nang
sabay sa kampo. Mas palagay ang loob ko kay Eddie Ramos kaysa
kay Johnny Ponce Enrile. Siguro dahil hindi ko naka-enkwentro
si Eddie noong nakakulong si Ninoy kundi si Johnny Ponce Enrile
lang." Itinanong lang daw ni Cory kung anong nangyari at
nag-alsa ang dalawa. Isa pang kuwentong pahapyaw, halatang may
ikinukubli tungkol sa makasaysayan at labis na nakakaintrigang
paghaharap na iyon ng mga bida.
Bago umeksena ang People Power sa EDSA, kapwa iniisnab nina Cory
at Enrile ang isa't isa. May dahilang magmatigas si Cory
hindi biro ang paghihirap na dinanas nila ni Ninoy sa kamay ni
Enrile; palagay pati ni Cory, hindi niya kailangan ng hukbong
militar, kaya niyang pabagsakin si Marcos at si Enrile
nang walang bakbakan. Ngunit may dahilan ding magmatigas
si Enrile: sa tingin niya, mas qualified siyang manungkulan kaysa
kay Cory; sa palagay din niya, hindi makukuha si Marcos sa boykot
kundi sa bakbakan kayâ mas kailangan ng taong-bayan ang
rebeldeng militar.
Kung hindi namagitan ang mga tao kina Cory at Enrile, tiyak na
nagpatuloy sa patigasan ng ulo ang dalawa; maaaring nagkagulo
at lalong nagkawatak-watak ang bayang Pilipino. Pero sapagkat
pinaandaran sila ng People Power, nahamon sina Cory at Enrile
na magpakitang-gilas din at lampasan ang pansarili nilang mga
hinaing. Nilunok ni Enrile ang pangarap niyang maging presidente,
at ni Cory ang personal niyang hinanakit sa militar. Nagkaroon
tuloy ng puwang para mag-usap sila at magtawarán, at magkasundo
nang lubusan nang mapagtulungan ang kaaway.
Sa madaling salita, reconciliation ang hiningi ng taong-bayan
kina Cory at Enrile na pagtagpuin ang nagtutunggali nilang
mga mithiin hindi sa pamamagitan ng patigasan at ng pukpukan
kundi sa pamamagitan ng unawaan at matalinong tagisan. At walang
duda na reconciliation mismo ang naganap nang magharap ang dalawa
noong gabing iyon. Malinaw na may napagkasunduan sina Cory at
Enrile, pati na sina Cory at Ramos. Kapalit ng kanyang katapatan,
tiyak na inungkat ni Enrile ang boykot at maaaring hiningi niya
ang katapusan nito, gayon din ang immunity nila from civil and
criminal suits kaugnay ng naging papel nila sa diktadurya. Maaari
ring nakumbinsi nila si Cory na hindi lang civil disobedience
ang magpapabagsak kay Marcos kundi military harassment din.
Sa Hobbit House sa Malate, nakakalimang kanta pa lang si Freddie
ay nagpaalam na siya sa mga tao. "Sabi ko, sumama na lang
sila sa Crame. Sama naman sila, mga sampung kotse kami, karamihan
mga suki kong foreign correspondents."
Samantala, naghahanap pa rin si Keithley ng himpilan ng radyo
na papalit sa Veritas bilang propaganda arm ng rebeldeng militar.
Galing na siya sa DZRH pero malamig ang pagtanggap sa kanya sa
himpilan na kare-replay ang presscon ni Marcos. Pinaiwan lang
ni Rey Langit ang phone number ni Keithley; tatawagan na lang
daw siya kung sakali. Saglit na nagdalawang isip si Fr. Reuter
DZFE sa Bulacan o DZRJ sa Sta. Mesa pagkatapos ay
pinapunta niya sa DZRJ si Keithley, na nagtawag ng ilang kaibigan,
isa na ang premyadong film director na si Peque Gallaga na agad
bumuo ng grupo na tutulong kay Keithley na bumalik sa himpapawid.
Maliit na istasyon ang DZRJ at matagal nang hindi ginagamit.
Dating pag-aari ng pamilyang Jacinto, kabilang ito sa mga inangkin
o na-sequester na pag-aari ng gobyernong Marcos noong 1972 na
napabigay sa militar.
Kadarating ni Keithley sa DZRJ nang dumating si Lyca Benitez
Brown, TV producer na matalik niyang kaibigan, na may kasamang
dalawang batang lalaki. Ang isa ay marunong magpaandar ng radio
equipment. Iyong isa ay nagtanod upang agad maibalita kung may
parating na tangke o tropa galing Malakanyang na wala pang isang
kilometro ang layo. Maghahatinggabi nang tumawag si Colonel Ciron
at sinabing ilinilipat na niya ang frequency ng DZRJ, na 810
kilohertz, sa frequency ng Radyo Veritas, na 840 kilohertz. Pagkatapos
ay puwede na raw itong gamitin ni Keithley.
"Si Colonel Ruben Ciron, staff ni Minister Enrile na nasa
radio broadcasting, ang gumawa ng paraan para makabalik sa himpapawid
si Keithley," kuwento ni Fidel Ramos. "Gamit pa rin
ng Radyo Bandido ang call sign ng Radyo Veritas pero DZRJ talaga
ito. Malaking bagay 'yon para sa amin. Natakot kami noong namatay
ang signal ng Veritas dahil nawalan kami ng major propaganda
arm."
Tamang-tama ang tiyempo sapagkat bumubuwelo nang kumilos ang
kaaway. Sa Villamor Air Base, may order si Sotelo sa mga piloto
at crew ng 15th Strike Wing na magreport sa flightline ng 5:00
ng umaga kinabukasan, at sa duty officer ng Sangley na tipunin
ang staff sa Wing Operation Center para marinig nila sa radyo
ang gagawing pahayag ni Sotelo. Hiniling din ni Sotelo sa kanyang
supply officer na padalhan pa siya ng sampung M-16 at dalawang
kahon ng bala, kunwari'y pang armas sa mga guwardiya.
Sa Fort Bonifacio, inabot ng hatinggabi ang mga heneral ni Marcos
sa pagbabalangkas ng strategy upang masakop ang Aguinaldo at
Crame. Malaki ang naitulong ni Natividad, na pumalit kay Olivas
bilang hepe ng Metropolitan Police. Ipinaliwanag niya kung paano
malulusutan ng loyalistang militar ang mga taong nakabarikada
sa Libis.
Sa Alabang, handa si Ming Ramos sa kahit ano. "Siguro natakot
din kami pero hindi namin ipinakita," kuwento niya. "Pinag-pack
ko ang mga bata ng konting gamit, baka kailangan naming umalis
bigla. Hindi yata kami natulog. Parati kaming nakikinig, nag-aabang
ng tunog ng helicopter na baka lumapag at damputin kami. Alam
namin na kung desesperado na si Ver, kahit ano ay gagawin niya.
Ni hindi kami nag-pantulog; naka-jeans kami at naka-jacket dahil
malamig ang gabi. Nahiga ako na naka-sneakers."
"Sabi ko sa asawa ko," kuwento ni Ramos, "kung
may dumating na mga sundalo nina G. Marcos at General Ver at
pasukin ang bahay namin, ipasalubong niya ang mga ito sa kababaihan,
unang-una na sa biyenan kong nobenta anyos at sa apo kong tatlong
buwan." Narinig iyon ni Sembrano, na nagsabing: "Aba,
anak ko 'yon ah!"
Mas manipis na ang hanay ng mga tao sa EDSA mula nang umatras
ang mga tangke pero kahit sandali ay hindi nawalan ng bantay
ang mga barikada. Nagkalat ang mga vigilante sa damuhan, namamahinga.
Para hindi antukin ay nagkuwentuhan sila tungkol sa panahong
ito ng pag-aalsa at pagsuway sa Awtoridad. Na inikot daw ng mga
anak ng mga dating Pangulo nina Nini Quezon, Vicky Quirino,
Rosie Osmena, at Linda Garcia ang mga embahada at nakiusap
sa mga diplomatiko na huwag na nilang kilalanin si Marcos bilang
Pangulo. Na kinailangan daw pilitin si Cardinal Sin na suportahan
sina Enrile at Ramos nang una siyang nanawagan sa mga tao,
balak lang niyang ihingi ng pagkain ang mga rebelde. Na sina
Lino Brocka at Behn Cervantes ang lumalabas na mga tunay na lalaki
ng showbiz matatapang na champion ng oposisyon noong kampanya,
ngayon ay mababangis na bayani ng kilusan. Na nagpakita si Nora
Aunor ng tibay ng loob kahit kinantiyawan noong una siyang
dumalaw sa mga rebelde, bumalik pa rin siya at iginiit ang kanyang
pakikiisa sa rebolusyon. Na si General Ramos ang naging "Nora
Aunor ng Rebolusyon," hinihiyawan at pinagkakaguluhan, gustong
mahawakan o mahagkan ng mga tao kahit saan siya magpunta. Na
umaangal ang misis niyang si Ming dahil kahit sinong magtanong,
sinasabi ng Heneral kung nasaan ang pamilya niya. "Bakit
mo sinasabi kung nasaan kami? Paano kung gawin nila kaming hostage?"
Malamig na sagot ni Eddie Ramos: "Kung mayroong makikidnap
sa inyo, hindi ako makikipag-kompromiso."
|